NITO LAMANG nakaraang linggo ay naging usap-usapan sa social media, partikular na sa Instagram, ang pinost ni Kris Aquino na thank you card para sa kanya ni Vilma Santos. Naging tampulan ng mga biro, galit at samu’t saring emosyon ang post na ito dahil sa ilang pagkakamali sa grammar ni Ate Vi. Sa kanyang sulat para kay Kris, nakalagay,
“Dearest Kris, Thank you sooo much for believing in me. I truely (sic) appreciate it friend. Life is short… Enjoy it… Your are so bless (sic).”
Makikita rito na nagkamali sa pagbaybay ang gobernadora sa salitang “truly” (nilagyan ito ng E), at ang paggamit ng salitang ‘bless’ na nasa pangkasalukuyang panahunan o present tense (ito ay dapat nasa past tense o pangnagdaan panahunan).
Ilang minuto pa lang naipo-post ang naturang sulat ay umani na ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens. Marami ang tila nagagalit o naiinis na ang isang opisyal ng gobyerno ay mali-mali ang grammar.
ANG PAGSUNOD sa rules of grammar ay mahalaga sapagkat ito ang tutulong upang maipahiwatig ang tamang ideya sa wikang Ingles. Karaniwan ay naiiba ang kahulugan ng salita o ng buong ideya kung mali ang grammar na nagagamit dito.
Isa ang grammar sa mga pinakaimportanteng konsepto sa komunikasyon. Dito ay nasisiguro ng mga tao na sila ay nauunawaan at isa ito sa mga pinakaepektibong paraan upang maihayag ang mga saloobin at mga konsepto. Ang paggamit ng tamang balarila ay nagdadagdag ng kredibilidad at awtoridad sa sinasabi at isinusulat ng isang tao. Ito rin ay susi sa matagumpay na mga transaksyon at negosyo lalo na kung dayuhan ang iyong katransaksyon.
DITO SA Pilipinas, naging susi sa pagdami ng mga dayuhang mangangalakal ang pagiging marunong nating mag-Ingles. Dahil sa ito ang “universal language”, nagiging madalas para sa mga foreign investor na makipagtransaksyon sa mga Pilipino dahil sa pagiging maalam natin sa wikang ito.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ang isa sa mga nangunguna sa BPO o call center industry. Ang patuloy na pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino ng call centers ay nakatutulong nang malaki sa pag-unlad ng ekonomiya at pagpapababa ng unemployment rate sa bansa.
Ang ating mga Overseas Filipino Workers naman ay hindi nahihirapang makipagtalastasan sa kanilang mga amo at katrabaho sa ibang bansa dahil sa kaalaman ng wikang Ingles at basic grammar. Karaniwan nang pinipili ang mga Pinoy na nurse at iba pang propesyon dahil nagiging madali ang komunikasyon dahil sa kaalaman nilang mag-Ingles.
Sa mga halimbawang ito ay makikita na mahalaga ang wika at balarilang Ingles hindi lamang sa pakikipagkomunikasyon kung pati rin sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Ito kasi ang nagiging gateway o susi ng ating matagumpay na pakikipagkalakaran sa mga dayuhan.
SIGURO ISA sa mga pangunahing dahilan kung bakit naulanan ng puna si Vilma Santos sa Internet ay dahil isa siyang opisyal ng gobyerno.
Mataas ang ekspektasyon natin sa ating mga opisyal ng gobyerno dahil sila ang mamumuno sa ating bayan, inaasahan nating mayroon silang kahit papa’no ay katatanggap-tanggap ang kanilang basic English grammar. Basic, nangangahulugang nakukuha dapat nila ang simpleng mga grammar at spelling sa wikang Ingles. Mahalaga ito para sa kanila dahil ang mga opisyal ng gobyerno ang karaniwang nakikipag-usap sa foreign dignitaries.
Marami sa mga tumuligsa sa Internet ay marahil napaisip na, “Ito ba ang ating hinalal sa puwesto?”
SUBALIT ANG buong insidenteng ito ay maaari namang maiwasan. Puwede naman na si Kris Aquino ay itinama na lang ang pagkakamali ni Ate Vi nang hindi na isinasapubliko ang buong sulat sa kanya. Naiwasan na sanang mapahiya ang gobernadora sa milyun-milyong mga Pilipino.
Ano ba’ng intensyon ni Kris sa pagpo-post nito? Sa aking pananaw eh, napakamalisyoso ng pag-post ng naturang sulat. Inamin naman ni Aquino na alam niyang may mga mali sa grammar at spelling, ipinost pa rin niya. Sa isang interview sa kanya ay sinabi niyang ang gusto lang daw niyang ipakita ay ang pagiging maaalalahanin at pagkamalambing ni Vilma Santos.
Sa mga grammar nazis na naglipana sa Internet, sapat nang maitama ang pagkakamali ng isang tao. Ang pamba-bash sa likod ng isang alyas ay hindi nagpapakita ng inyong superiority. Kung may nakitang mali, itama at huwag nang magdagdag ng mga masasakit at mapanirang mga komento. Hindi na kailangang atakihin pa ang pagkatao nito dahil lamang sa pagkakamali sa grammar at spelling. Hindi nasusukat ang ating pagkatao sa galing natin sa wika at balarila. Ito ay makikita sa ating pakikitungo at pakikipagkapwa-tao.
Sana’y sa pagawawakas ng usaping ito ay natuto tayo ng tatlong bagay:
1. Responsableng pagpo-post sa social media.
2. Pagiging masinop sa pag-aaral ‘di lamang ng balarilang Ingles, kundi pati ng Filipino, at
3. Pagkokomento na naaayon sa social media etiquette: hindi mapanira at nakakasirang puri.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napananood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo