MARAMI ANG nagsasabing ang isang pamamaalam sa kahit na sinuman ay nagdudulot ng pagkakaisa sa mga relasyong nasira. Katulad na lamang nang nasaksihan naming mahigpit na yakapan at pagbeso ng dating magkaibigan na nagkaaway at ngayo’y nagkabati na sina Nadia Montenegro at Gretchen Barretto. Nangyari ang hindi inaasahang tagpong ito sa lamay ni Mang Dolphy noong Biyernes, July 13, 2012 mga bandang alas sais ng gabi.
Ang eksena, dumating si La Greta kasama ang partner nitong si Tonyboy Cojuangco. Hinarang ng media ang dalawa ngunit pinili nilang huwag magpa-interview, dahil gusto lang nilang makiramay sa pamilya ni Mang Dolphy. Papasok na sa may papuntang chapel ang dalawa nang namataan naming kasunod pala nila sina Nadia at Marjorie Barretto. Unang nagbeso sina Nadia at Marjorie at biglang napalingon si Gretchen at nang makita niya si Nadia, walang sabi-sabing nagyakapan na sila.
Medyo tumagal nang ilang segundo ang tagpong ‘yun at halatang wala nang salitang intinawid sa pagitan nila, hudyat na nga ng kanilang pagbabati.
Makalipas siguro ang halos isang oras, nakausap namin si Nadia at bahagi ng kanyang masayang dek-larasyon, “One down,” na ang ibig sabihin, isang relasyon ng magkaibigan ang naayos na, at siguro marami pa ang susunod sa mga nakairingan niya ang nais na siguro niyang maging maayos muli.
WALA KAMI noong gabing nagkaroon daw ng kaguluhan sa may lugar kung saan puwedeng kumain ang mga bisita sa lamay ni Mang Dolphy sa Heritage Park. Ito ay ang eksena raw nina Annabelle Rama, Chito Alcid at Amalia Fuentes.
Pero nitong Sabado, nakausap namin at nang iba pang media si Miss Annabelle at naghayag siya ng kanyang bersiyon kung bakit nga ba nagkaroon ng commotion noong nagdaang gabi. Mahaba ang kuwento ni Tita Annabelle at base sa aming narinig, tinawag diumano siya nang masakit na salita kaya siya nagalit.
Isa namang party-list representative diumano ang nagpahayag na magpa-file daw ito ng ‘Anti-Rama Bill’ kung saan ay ipagbabawal daw nang panukalang ito na dumalo si Tita Annabelle sa lahat ng lamay.
Ang sagot naman dito ni Miss Annabelle. “Ay naku Dong, huwag n’yo akong kalabanin. Kaibiganin n’yo ako, dahil mamahalin n’yo ako ‘pag naging kaibigan n’yo ako.”
Ikaw na, Tita Annabelle!
DUMAAN KAMI sa FHM party noong nakaraang Huwebes sa World Trade Center at tawa kami nang tawa sa aming katabing nagpapakahitad. Dahil sa rampa ng mga celebrities na siguro ay nasa tatlumpo, lilima lang daw ang kanyang kilala.
Bawat labas ng mga girlitas sa stage, ang lagi niyang tanong sa kanyang katabi ay ‘da who ‘yan day?’ na ang ibig niyang sabihin ay sino ba ‘yang nasa stage at parang wa namesung.
Naririndi na kami sa kanyang dialogue dahil halos ilang beses niya itong inulit kaya lumayo na lang kami sa kanyang tabi para makapag-concentrate sa aming panonood.
Pero, naisip din namin nu’ng halos patapos na ang show, may point siya dahil kami mismo ay tinatanong ang aming sarili kung ‘da who nga ba ‘yung karamihan sa rumampa dahil ngayon lang namin sila nakita.
Ay, naku! May isa naman du’n na bakit ang sipag-sipag rumampa, eh hindi naman siya bagay na nandu’n, anoh?! Zinoh siya? kapangalan siya ng isang hurado sa isang reality search. ‘Yun na!
Sure na ‘to
By Arniel Serato