SI AURORA SEVILLA ay sumikat noong late ’80s hanggang early ’90s. Ilan sa mga nilabasan niyang pelikula bilang bida o leading lady ay ang Si Aida, si Lorna, o si Fe, Walang Panginoon, Joe Pring, Moises Platon, Tatak ng Isang Api, at marami pang iba.
Isa sa mga artista noon na hindi namin naisip na magdarahop ngayon, kasi, nagmamay-ari siya ng ilang kabayong pangarera na nagpapasok ng malaking pera sa kanya, bukod sa ilang negosyo na pinasukan niya noon pa man.
Kung anuman ang kinahinatnan ni Au, nawindang na lang kami nang mahantad ang katotohanan sa Wish Ko Lang noon na humihingi na siya ng tulong. Ang GMA-7 naman ay naging maagap at isinama siya sa isang teleserye. At ang alam namin, namroblema si Au dahil pagkatapos niyon, wala nang ibinibigay na raket sa kanya ang GMA-7, na ‘yun pa naman daw ang inaasahan niya dahil ipinangako nga sa kanya.
Nag-text si Au sa amin bago pa ang malaking kontrobersiyang nasasangkot sa kanya sa pagbebenta diumano ng shabu. Sa isang buy-bust operations, nasakote ang aktres na dating Mutya ng Pilipinas winner. Sa mensahe niya sa amin, windang daw siya, may sakit na kanser ang kanyang anak.
Hindi rin kasi namin alam kung ano ang maitutulong namin kay Au dahil kami mismo, may pinagdaraanan ding personal. Hanggang mabalitaan na lang namin na nasangkot nga raw siya sa bentahan ng droga.
Palagay namin, dito dapat pumasok ang silbi ng mga pulitikong artista pa naman, na sana’y tulungan nga nila ang aktres na nalugmok sa ganitong sitwasyon. Particularly, yaong mga may ipinaglalaban daw tungkol sa droga.
Sana nga, may tumulong sa kanya, and eventually, matulungan din ni Au ang kanyang sarili para makabangon. Kung hindi, baka ang kasapitan niya ay ang gaya sa nangyari kay Ace Vergel noon na kinamatayan na lang ang sitwasyong nasadlakan din dahil sa droga.
Ilan pa kayang mga artista ang malalagay sa ganitong situwasyon bago sila matulungan talaga?
NAGKAROON NG SLIGHT commotion sa Davao, sa may Gaisano Country Mall, nang mag-premiere doon ang Dukot. Mabuti na lang at maagap ang paghingi ng mas matinding seguridad ng grupo ni Allen Dizon.
May isang lalaki raw kasi ang tila nagmamanman sa kanila. Nakita raw ng misis ni Allen na si Kristel ang pagdukot ng baril ng isang by-stander doon, na nakita rin ng manager at confidante ni Allen na si Dennis Evangelista.
Ito ang dahilan kung bakit na-cut short ang pag-iikot ng grupo ng Dukot sa Mindanao, at nag-decide na ora-orada kinabukasan ay magpa-book na ng flight pabalik ng Maynila.
Lalo na raw sa panahon ngayon na parang matindi ang tensiyon doon na nagmula na mismo sa nangyaring masaker sa Maguindanao, kaya mas mabuti nang nag-iingat.
Nauuso pa naman daw sa Davao ang basta na lang may mga nababaril at napagnanakawan. Sa ngayon, mas pinaghahandaan ng grupo ni Allen ang pagtungo sa Norte para sa malaganap na showing doon ng kanyang strong political film na bongga ang pagtanggap ng mga manonood.
This weekend, nakatakda silang magtungo sa Baguo City kaugnay ng pagpapalabas daw ng nasabing pelikula roon.
Calm Ever
Archie de Calma