Gugulong na ang Ulo ng mga Loko sa BOC; at Jueteng sa Nova

PINAPATUNAYAN TALAGA ni Commissioner Ruffy Biazon ng Bureau of Customs (BOC) na hindi lang siya puro simula sa ginagawang kampanya na linisin sa “bad eggs” at mga “hao shiao” ang pinamumunuang  ahensiya.

Hindi gaya ng mga dating hepe sa BOC na parang mga takot bumangga sa sindikato o mga ismagler dahil may pinangingilagan.

Noong nakaraang administrasyon kasi, lantad na lantad sa kaalaman ng publiko na isang taong malapit sa reyna ng Malakanyang ang nagkakanlong ng mga ismagler at mga kurap na opisyal ng bureau.

Ngayon, wala talagang sinasanto si Biazon, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy Aquino na gawing “tuwid ang landas” ng BOC.

Natuklasan natin, parekoy, na batay sa isang memorandum, iniutos ni Commissioner Biazon na “pagulungin ang ulo” ng mga protector o kung sino mang utak ng sindikatong nahuli kamakailan sa loob mismo ng Aduana.

Naaalala n’yo pa ba na pitong “hao shiao” na empleyado na kinabibila-ngan ng  dalawang broker ang dinakip ng mga operatiba ng Enforcement Security Service (ESS) sa aktong gumagawa ng iligal sa bakuran ng BOC?

Yes, parekoy, inatasan ni Biazon si Ret. Gen. George Aliño na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang mastermind ng sindikato na nambibiktima ng mga lehitimong brokers/importers.

Naniniwala kasi si Biazon na hindi pipitsugin ang grupong kanilang nabuwag. Hindi maglalakas-loob ang mga hinayupak na magtayo ng “opisina” sa Aduana kung walang mga opisyal o kawani ng bureau na nagbibigay-proteksyon sa kanila.

Iniutos ni Biazon kay Gen. Aliño na wala dapat sinuhin bagkus ay sampahan ng kasong administratibo, kriminal at sibakin sa posisyon ang mapatutunayang kasabwat ng mga nahuling ‘hao shiao’.

Ipinatitiyak din ng dating Muntinlupa congressman na walang “white wash” na mangyayari sa pagsisiyasat.

Patay kayong mga loko-loko d’yan sa BOC!

NAMAYAGPAG NOON sa Novaliches, Quezon City ang “Jueteng” ni alyas Gary. Kaya nga tinagurian siyang “hepe” ng mga anak ng Jueteng sa nasabing lugar.

Ngunit biglang inagaw ni alyas Mendoza kaya ito na ngayon ang bagong “hepe” ng Jueteng sa buong “erya op respansibiliti” ng Novaliches.

Ayon sa “tawiwit”, ang pulis na si Jing Ahas ang rumuronda sa lahat ng “kabo” para takutin na ipatutumba sila ng kanyang bossing na si Mendoza kung hindi sila dito magre-remit. Madalas din umanong magyabang itong pulis na si Jing na bahagi ng kanilang “one station one product” ay dapat ang Jueteng na lang talaga ng kanyang amo na si Mendoza ang matira sa Nova. Para matupad ito, nangangarap umano si Jing na may magmatigas na kabo para gawin nilang sampol!

Baka naman pautot mo lang ‘yan, Jing, para katakutan ka sa sirkulo ng jueteng!

Pero kung sakaling totohanin nga nila, alam na siguro ni QCPD Director C/Supt. Mario dela Vega kung sino ang dadaklutin para maimbestigahan kung sakaling may kabo na ma-salvage d’yan sa Novaliches!

‘Di ba may Chief of Police naman d’yan sa Police Station 4 (Novaliches)? Sa kanya na lang natin isumbong ang katarantaduhang ito.

Ang pagkakaalam natin, parekoy, ang hepe sa station na ‘yan ay si Col. Crisostomo Mendoza. Kaya nga siya ang dapat na maging katapat niyang bossing ni Jing Ahas na si Mendo… za.

Sandali parekoy, may mali yata… Hihimayin muna nating mabuti, si Jing Ahas ay isang pulis, at ang kanyang amo na tinaguriang “hepe ng Jueteng” ay isang alyas Mendoza.

Pesteng buhay ito, parekoy, mala-king problema! Hindi kaya itong matapang na “hepe ng Jueteng” sa buong Novaliches na si alyas Mendoza at ang Chief of Police ng Station 4 na nakasasakop sa Novaliches na si Supt. Crisostomo Mendoza ay iisa?

Hmm… dapat sigurong imbestigahan agad ito ni Gen. Dela Vega!!!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleJustice: Israel Style
Next articleAprub Ko si Tulfo

No posts to display