Gustong Idemanda Dahil sa Utang ng Iba

Dear Atty. Acosta,

NAIS PO akong idemanda ng aking kaibigan dahil hindi makapagbayad ang isa pa naming kaibigan na humiram sa kanya ng pera. Ako po ang hinahabol niya sapagkat hindi raw siya magpapahiram kung hindi ko siya pinakiusapan. Walang kasulatan o pinirmahang katibayan ang dalawa kong kaibigan tungkol sa nasabing utang. May pananagutan po ba ako sa kaibigan kong nagpahiram?

Jay

 

Dear Jay,

HINDI KA maaaring managot sa utang ng iyong kaibigan. Ang pagbabayad ng utang ay isang personal na obligasyon ng taong humiram. Bilang isang personal na obligasyon, ang humiram ang siyang hahabulin sa mga pagkakautang nito.

Ngunit may mga pagkakataon na maaaring ipasa ang obligasyong ito sa isang third person o taong walang kinalaman sa usapan ng pangungutang. Ilan sa mga ito ay kung gagarantiyahan ng isang tao ang pagbabayad ng utang sa nagpahiram kung sakaling hindi makakapagbayad ang humiram. Ang tawag sa kasunduang ito ay contract of guaranty na napapaloob sa Artikulo 2047 ng Civil Code.

Ayon dito “by guaranty, a person called the guarantor, binds himself to the creditor to fulfill the obligation of the principal debtor in case the latter should fail to do so.”

Ngunit upang managot ang isang tao sa utang ng iba sa ilalim ng contract of guaranty, kailangan na ang kasunduan ay nakapaloob sa isang kasulatan (Artikulo 1403 2(b), Civil Code).

Sa iyong kaso, hindi ka maaaring managot sa utang ng iyong kaibigan kung wala kayong kasunduan na ikaw ang sasagot dito o kung ang kasunduan n’yo, kung meron man, ay hindi nakapaloob sa isang kasulatan.

Makakokolekta pa rin naman ng nagpahiram ang pera kahit pa ang kasunduan nila ng humiram ay hindi nakasulat o wala silang pinirmahang kasulatan bilang ebidensya ng pagkakautang sapagkat ang kasunduan tungkol dito ay maaaring written o oral.

Ngunit kapag oral o hindi nakasulat ang isang kasunduan ng pagkakautang ay mahihirapan ang nagpahiram na patunayan ang pananagutan ng humiram. Dagdag pa dito, kailangan makolekta ng nagpahiram ang utang sa kanya sa loob ng anim (6) na taon alinsunod sa Article 1145 ng Civil Code na nagsasaad na: The following actions must be commenced within six years: (1) Upon an oral contract xxx.

Kung hindi ito maisasampa sa loob ng nasabing taon ay hindi na mahahabol ng nagpahiram ang inutang sa kanya.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAng Visa at Pang-Aabuso sa OFW
Next articleIsang Dakilang Tycoon

No posts to display