Gustong Ipa-Annul ang Kasal

Dear Atty. Acosta,

LABING WALONG taong gulang lamang po ako noong ikinasal kami at ngayon ay sampung taon na kaming hindi nagsasama. Nagpakasal po kami sa kabila ng pagtutol ng aking mga magulang. Maaari ko po bang ipa-annul ang aming kasal ng aking asawa dahil dito? Matagal po ba ang prosesong ito? Nagkaroon po kami ng tatlong anak ng aking asawa. Tapos na po ng pag-aaral at may sarili ng pamilya ang panganay naming anak at ang pangalawa at pangatlo naming anak ay labing siyam at labing walong taong gulang na. May obligasyon pa po ba akong bigyan ng suporta ang aming mga anak?        

Joe

Dear Joe,

ANG KASAL ay isang espesyal na kasunduan sa pagitan ng isang babae at isang lalaki upang bumuo ng sarili nilang pamilya. Bilang mag-asawa, sila ay may obligasyong magsama sa iisang bubong, mahalin, respetuhin at maging tapat sa isa’t isa, at magbigay ng tulong at suporta sa bawat isa. Dahil sa espesyal na karakter ng isang kasal, ang mga kailangan sa pagbuo at pagsasawalang-bisa nito ay nasasaklawan ng ating batas.

Isa sa mga paraan ng pagsasawalang-bisa ng isang kasal ay ang annulment. Subalit hindi lahat ng may nais nito ay maaaring maghain ng isang petisyon para sa annulment. Mayroon lamang mga pagkakataon o pangyayari kung saan pumapayag ang ating batas na mapawalang-bisa ang isang kasal sa pamamagitan ng annulment. Ang isa sa mga dahilan upang mapawalang-bisa ang isang kasal ay ang kawalan ng parental consent o nasusulat na pagpayag ng magulang ng isang partido sa kasal na nasa pagitan ng labing walong (18) taong gulang at dalawampu’t isang taong gulang (Art. 45, Family Code of the Philippines). Gayunpaman, ang paghahain ng Petition for Annulment dahil sa kawalan ng parental consent ay maaari lamang ihain sa loob ng limang (5) taon matapos mong maabot ang edad na dalawampu’t isang (21) taong gulang. Dahil sa mahigit limang taon na ang lumipas simula nang naabot mo ang nasabing edad, hindi mo na maaaring ipawalang-bisa ang inyong kasal dahil sa kawalan ng parental consent.

Ang iyong anak na nakatapos na ng kanyang pag-aaral at mayroon nang sariling pamilya ay wala ng karapatang makatanggap ng suportang pinansiyal mula sa iyo. Sa kabilang banda, ang dalawa mo pang anak, kahit na sila ay nasa wastong taong gulang na, ay mananatiling may karapatang makatanggap ng suporta mula sa iyo habang sila ay nag-aaral pa. Mayroon kang obligasyong magbigay ng suporta para sa kanilang mga pangangailangan sa buhay gaya ng pagkain, tirahan, damit, edukasyon, transportasyon at pangangailangang medikal. Ang halaga ng suporta na dapat nilang matanggap ay ibabatay sa iyong kakayahang kumita at sa kanilang mga aktuwal na pangangailangan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAng Tunay na Pagdaos ng Simbang Gabi
Next articleSina Mr. & Mrs. Teddy at Bella Tiotangco (Part 2)

No posts to display