Dear Atty. Acosta,
43 YEARS old na po ako. Mahigit anim na taon na akong hiwalay sa asawa ko. Sa 5 taong kami ay hiwalay, nasa akin pareho ang mga anak namin na walang suportang galing sa kanya. Noong nagkasakit po ako at napaalis kami sa inuupahang bahay sa Manila pinakiusapan ko ang asawa ko na titira muna sa kanya ang anak naming lalaki habang nag-aaral pa pero ang pagpapaaral sa kanya ay manggagaling sa aking kapatid. Gusto ko po sanang mag-file ng annulment, ano po ba ang dapat kong gawin. Sabi ng kaibigan ko lumapit ako sa PAO para ‘di masyadong malaki ang gastos. Tulungan po ninyo ako, gusto ko pong mapabuti ang buhay ko pero hindi ko magawa dahil kasal pa ako. Sana po maintindihan ninyo ang layunin ko.
Teresita
Dear Teresita,
ANG PAGHIHIWALAY ng isang mag-asawa ay madalas na nangyayari sa ating bansa. Subalit tuwing may mga hiwalayang nagaganap tulad ng sa inyo ng iyong asawa, ang palagiang nagiging biktima ay ang kanilang mga anak. Ito ang nakakalungkot na katotohanan na sadyang hindi maiiwasan. Ganun pa man, ang buhay ay hindi natatapos sa kanilang hiwalayan.
Ang paghihiwalay ninyo ng iyong asawa at ang hindi niya pagbibigay ng suporta sa iyo at sa inyong mga anak ay nagpapakita na hindi niya lubos na nauunawaan ang obligasyon niya bilang isang asawa. Ito ay isang patunay sa hindi pagtupad ng iyong asawa sa obligasyon niya bilang isang asawa. Ito ay isang basehan upang ideklarang walang bisa ang inyong kasal. Sinasabi ng batas na kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang depekto sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa ay isang sapat ng basehan para ideklarang walang bisa ang kanilang kasal. (Article 36, Family Code of the Philippines)
Patungkol sa naisin mong ipadeklarang walang-bisa ang iyong kasal sa iyong asawa, kailangan mong maghain ng Petisyon sa korte para rito. Kakailanganin mo rin ang serbisyo ng isang abogado upang tumulong sa iyo sa paggawa ng petisyon at magrepresenta sa iyo sa korte. Kung hindi mo kayang kumuha ng isang pribadong abogado, maaari kang lumapit sa Public Attorney’s Office (PAO) upang humingi ng tulong na legal. Kung ikaw ay kwalipikado sa serbisyo nito, magtatalaga ng isang abogado ang PAO na tutulong sa iyo sa paghain ng petisyon ganun na rin sa pagdinig nito sa korte. Dagdag pa rito, ang mga kliyente ng PAO ay libre rin sa mga bayarin sa korte na may kinalaman sa pagsasampa ng kaso, tulad ng “docket fee” at iba pa. (A.M. No. 07-5-15-SC)
Kaugnay nito, mabuting ikaw ay bumisita sa sangay ng tanggapan ng PAO na malapit sa lugar kung saan ka nakatira. Maaari kang magtanong o humingi ng payo sa mga abogadong nakatalaga roon patungkol sa iyong problema.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta