Dear Atty. Acosta,
ANG ASAWA ko ay isang foreigner. Nang tumagal-tagal ay naging
malapit kami sa isa’t isa hanggang sa kami ay nagpakasal sa Caloocan. Makalipas ang ilang buwan matapos kaming ikasal ay palagi siyang umuuwing lasing. Kung hindi niya ako binubugbog ay pinipilit niya akong makipagtalik sa kanya. Hindi ko na matatagalan ang ginagawa niya sa akin at nais ko na siyang maipa-deport sa kanyang bansa. Ano po ang dapat kong gawin?
Sarita
Dear Sarita,
NAIINTINDIHAN NAMIN ang iyong pagnanais na mapaalis ang iyong asawa rito sa Pilipinas sapagkat ikaw ay nakararanas ng pagmamaltrato at pang-aabuso mula sa kanya. Ngunit nais naming
bigyang-diin na ang pagpapa-deport ng isang banyaga pabalik sa bansang kanyang pinanggalingan ay isang proseso na mayroong legal na basehan at kailangan ay mayroong kaukulang pagdinig sa kanyang kaso. Batay sa Section 37 (c) ng Commonwealth Act No. 613 o ang Philippine Immigration Act of 1940, “No alien shall be deported without being informed of the specific grounds for deportation nor without being given a hearing under rules of procedure to be prescribed by the Commissioner of Immigration.” Kung kaya’t mahalaga na maghain ka ng reklamo sa Bureau of Immigration, sa pamamahala ng Commissioner, upang dumaan sa legal na proseso ang iyong hinaing at paghingi ng katarungan.
Ngunit dahil sa ang ginagawa sa iyo ng iyong banyagang asawa ay paglabag sa ating batas kriminal, makabubuti na maghain ka ng reklamo sa hukuman alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.” Ayon sa batas na ito, hindi maaaring abusuhin o saktan ng pisikal, sekswal o emosyonal ng isang lalaki ang kanyang asawa, kasintahan o anak. Ang paglabag sa nasabing batas ay mayroong kaakibat na kaparusahan na pagkakakulong kung mapatunayan ang kanyang pagkakasala.
Kung hindi ka agad makakapagsampa ng reklamo sa Regional Trial Court kung saan naganap ang nabanggit mong pang-aabuso ay maaari kang lumapit sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development o sa kapulisan na matatagpuan malapit sa lugar kung saan ka nakatira o kung saan nagaganap ang pang-aabuso sa iyo ng iyong asawa upang mabigyan ka ng agapang proteksyon at upang hindi ka na mapagbuhatan ng kamay ng iyong asawa. Sa iyong reklamo ay kailangan mong ilahad ang lahat ng pagkakataon na ikaw ay kanyang sinaktan at inabuso. Mahalaga rin na hilingin mo sa hukuman na, maliban sa siya ay mahatulan ng pagkakakulong dahil sa kanyang maling gawain, ay mai-deport din sa bansang Lebanon, kung saan siya nagmula pagkatapos niyang bunuin ang buong panahon ng kanyang hatol o kaparusahan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o ma-daragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta