Dear Atty. Acosta,
UMALIS PAPUNTANG Canada ang aking boyfriend noong nakaraang taon. Hindi ko pa alam noon na dinadala ko na ang aming anak. Nang malaman ko ang aking sitwasyon ay agad ko itong ipinag-bigay alam sa kanya. Subalit sinabi niya sa akin na hindi na siya muli pang babalik sa Pilipinas at magpapadala lamang siya ng suportang pinansiyal para sa akin at sa aming anak. May nakapagsabi po sa akin na maaari kong ipakansela ang kanyang passport para mapilitan siyang bumalik sa Pilipinas. Maaari ko po ba itong magawa?
Lina
Dear Lina,
ANG BAWAT Pilipino ay may karapatan ayon sa ating Konstitusyon na magbiyahe sa loob at labas ng Pilipinas. Ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay may obligasyong magbigay ng passport o anumang dokumento upang makapagbiyahe, sa bawat Pilipino na makakasunod sa mga hinihingi ng Republic Act No. 8239 o ang Philippine Passport Act of 1996.
Ang passport ay isang dokumentong ibinibigay ng pamahalaan ng Pilipinas sa kanyang mga mamamayan upang mapayapa at malaya itong makaalis at makabalik sa Pilipinas at kung kinakailangan, ay mabigyan ng tulong at proteksiyon nang naaayon sa ating batas (Section 3(d), RA 8239).
Ang pagkansela ng isang passport ay lubhang makakaapekto sa karapatang magbiyahe ng isang tao. Dahil dito, maaari lamang makansela ang isang passport kung mayroong sapat na dahilan para rito. Makikita sa Section 8(b) ng R.A. No. 8239 ang mga batayan sa pagkansela ng passport: Section 8. Grounds for Denial, Cancellation or Restrictions. – xxx (b) Cancellation – 1. When the holder is a fugitive from justice; 2. When the holder has been convicted of a criminal offense: Provided, that the passport may be restored after service of sentence; or 3. When a passport was acquired fraudulently or tampered with. xxx
Kung mayroon ang alinman sa mga nabanggit na sitwasyon, maaari mong ipakansela ang passport ng iyong boyfriend. Kapag nakansela na ang kanyang passport ay kinakailangan niyang muling bumalik sa Pilipinas. Sa kabilang banda, kung ang iyong tanging batayan upang makansela ang passport ng iyong boyfriend ay ang iyong hangarin na makasama siya sa oras ng iyong pagdadalang-tao, malungkot naming ipinapabatid na hindi ito sapat upang makansela ang kanyang passport.
Batid namin ang kahalagahan ng presensiya ng iyong boyfriend sa iyong kasalukuyang sitwasyon. Gayunpaman, tanging ang mga nabanggit na dahilan na malinaw na nakasaad sa ating batas ang magiging batayan upang makansela ang kanyang passport.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta