Gustong ipawalang-bisa ang kasal

Dear Atty. Acosta,

BATA PA PO ako nang ako’y ikinasal. Nag-apply po ako at ang aking asawa ng marriage license. Sa pag-a-apply po namin ng marriage license, hindi po ako nagsumite ng birth certificate. Isang affidavit po ang aking isinumite para makapag-apply ng marriage license. Nagbigay rin po ako ng written consent na nagsasaad na pinapayagan ako ng aking magulang na magpakasal ngunit ibang tao ang pumirma para sa aking mga magulang.

Ngayon po, 6 na taon na po kaming hiwalay ng aking asawa. Apat na taon lang po kaming nagsama bilang mag-asawa. Gusto ko pong mapawalang-bisa ang kasal ko sa aking asawa. May basehan po ba ako ayon sa aking salaysay?

Ang ginagamit ko po ngayon ay ang apelyido ng aking asawa. P’wede ko po bang gamitin ang apelyido ko sa  pagkadalaga? Sana po ay matulungan ninyo ako.

Almario

Dear Almario,

KAILANGAN ANG MARRIAGE license bago idaos ang kasal sapagkat ito ang nagbibigay ng kapangyarihan sa solemnizing officer o ang taong magkakasal para ikasal ang magkasintahan.

Sa pagkuha ng marriage license, kinakailangang iprisenta ang birth certificate ng magkasintahan. Kung walang birth certificate, maaaring magsumite ang magkasintahan ng baptismal certificate o isang affidavit na naglalahad ng kanilang edad (Artikulo 12, id).

Kapag isa o pareho silang nasa pagitan ng edad 18 at 21, kinakailangan din nilang kumuha ng written consent mula sa kanilang magulang o guardian. Nakasaad sa written consent na pumapayag ang mga magulang o guardian ng magkasintahan na magpakasal ang kanilang anak o inaalagaan (Artikulo 14, id).

Subalit kapag isa o parehong nasa pagitan ng edad 21 at 25 ang magkasintahan, kinakailangan naman nilang kumuha ng parental advice. Kapag hindi nagbigay ang mga magulang ng parental advice dahil hindi sila sumang-ayon sa pagpapakasal ng kanilang anak, kinakailangan lamang ng sworn statement na nagsasaad ng hindi pagsang-yon (Artikulo 15, id).

Sa iyong kaso, isinalaysay mo na sa halip na birth certificate ang isinumite mo sa local civil registry ay isang affidavit ang iyong ibinigay. Ngunit hindi mo isinaad kung ano ang nakalagay sa affidavit na iyon. Ang affidavit na iyong isinumite kung naglalaman ng iyong edad at nakasaad dito na wala kang birth certificate o baptismal certificate ay sapat na para mabigyan ka at ng iyong asawa ng marriage license.

Tungkol naman sa written consent na isinumite mo sa local civil registry, isinalaysay mo na ang written consent na ito ay pinirmahan ng ibang tao at hindi ng magulang mo. Marahil ikaw ay nagpakasal sa pagitan ng edad 18-21 dahil nagsumite ka ng written consent. Ang written consent na galing sa mga magulang mo ay mahalaga. Ang kasal ay sinasabing voidable kapag walang written consent ang mga magulang. Ibig sabihin nito ay maaaring ipawalang-bisa ang kasal dahil sa kakulangan nito. Ang batas na sumasaklaw rito ay ang mga Artikulo 45, 46 at 47 ng Family Code.

Ang partidong hindi nakapagbigay ng written consent o ang mga magulang nito ay maaaring magsampa ng Petition for Annulment para mapawalang-bisa ang kasal. Ang partidong hindi nagbigay ng written consent ng kanyang magulang ay maaaring magsampa ng Petition for Annulment pagkatapos ng kanyang kasal hanggang sa loob ng limang taon matapos siyang magdiwang ng ika-21 kaarawan. Sa kabilang dako, ang mga magulang ng partidong hindi nagbigay ng written consent ay maaari ring magsampa ng Petition for Annulment bago pa magdiwang ang kanilang anak ng kanyang ika-21 kaarawan.

Ayon sa inyong salaysay, kung saan ay walang consent o “fake” ang written consent na iyong isinumite, maaari sanang ma-annul ang iyong kasal. Subalit sa pagkakataon na maisampa ito para sa iyo ay lagpas na o paso na ang panahon para ito ay maisampa. Kaya hindi na puwedeng ma-annul ang iyong kasal base sa kadahilanang ito. Ang maaari mo na lang maging basehan ay ang “Declaration of Nullity based on Psychological Incapacity” ayon sa Artikulo 36 ng Family Code.

Tungkol naman sa paggamit ng apelyido, maaari mong gamitin ang iyong apelyido sa pagkadalaga. Ang paggamit ng babaeng may asawa sa kanyang apelyido noong siya ay dalaga pa ay ipinaliwanag sa kaso ng Yasin v. Judge, Shari’a District Court 241 SCRA 605, 23 February 1995. Nakasaad sa nasabing kaso na wala namang batas na nagbabawal sa paggamit ng babaeng may asawa sa kanyang apelyido noong siya ay dalaga pa. Kinakailangan lamang na isaad ng babaeng may asawa sa mga dokumento na siya ay kasal na at ang paggamit ng kanyang apelyido sa pagkadalaga ay walang masamang intensyon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTungkol sa kanya
Next articleKatiwalian sa PNP Zamboanga?

No posts to display