Dear Atty. Acosta,
NAIS KO pong magtanong ukol sa pag-hahain ng kasong annulment. Sampung taon na kaming kasal ng aking asawa. Pitong buwan pa lamang kaming kasal ay natanggal na siya sa trabaho. Napabarkada siya at laging inuumaga nang uwi. Mayroon pang mga pagkakataon na gumagamit siya ng bawal na gamot, kaya laging mainit ang kanyang ulo at lagi niya akong sinasaktan, sinisigawan at minumura. Noong ikaanim na taon namin bilang mag-asawa ay naisipan ko na siyang iwan at tumira na lang sa aking mga magulang.
Halos dalawang taon kaming hiwalay ngunit nakipagkasundo siya na magbabago kung kaya’t tinanggap ko siyang muli at kami ay nagsama. Ngunit tila walang nagbago. Madalas pa rin siyang napapabarkada at sa tuwing mainit ang kanyang ulo ay sinisigawan at itinatapon niya ang mga gamit namin sa bahay. Bihira na rin po kung kami ay magsiping. Sa loob po ng mahabang panahon, ako lamang ang nagtatrabaho para sa aming pamilya at hirap na hirap na po ako. Sa kabila ng lahat ng aking sinakripisyo ay problema at sama ng loob lamang ang ibinibigay niya sa akin. Ngayon po ay nais kong malaman kung sapat na dahilan po ba ang mga nailahad ko upang mapawalang-bisa ang aming kasal? Sana po ay bigyan ninyo ako ng payo.
Lubos na gumagalang,
Gng. Analissa
Dear Gng. Analissa,
IKINALULUNGKOT NAMIN ang iyong pinagdaraanan sa iyong buhay may-asawa. Sadyang mahirap kung ang pagsasama ng mag-asawa ay kulang sa pagmamahal at respeto sapagkat ito ang dalawa sa mahalagang sangkap upang maging masaya at matagumpay ang kanilang pagsasama.
Naiintindihan namin ang iyong pagnanais na mapawalang-bisa ang inyong kasal. Marahil ay mahaba na nga ang panahong inilaan mo sa paghihintay ng pagbabago mula sa iyong asawa. Wala ring sinuman ang dapat makaranas ng pananakit at pang-aabuso na katulad ng iyong dinaranas sa piling ng iyong minamahal. Subalit ipinapayo pa rin namin na pag-isipan mong maigi kung nais mo nang makipaghiwalay sapagkat hindi ito madali lalo na kung kayo ay mayroong anak. Sila ang higit na mahihirapan at masasaktan na makitang hindi buo ang kanilang pamilya.
Kung naisin mong maghain ng petisyon upang ipawalang-bisa ang inyong kasal, maaari mo itong ihain sa Regional Trial Court na umu-upo bilang Family Court na matatagpuan sa lugar kung saan ka nakatira. Maaari mong gami-
ting basehan ang pagkakaroon ng psychological incapacity ng iyong asawa, dahilan sa likod ng kanyang pagkukulang sa iyo at maling pakikitungo.
Ayon sa Artikulo 36 ng Family Code of the Philippines, “A marriage contracted by any party who, at the time of the celebration, was psychologically incapacitated to comply with the essential marital obligations of marriage, shall likewise be void even if such incapacity becomes manifest only after its solemnization.”
Subalit kailangan mong kumuha ng serbisyo ng isang psychiatrist o psychologist upang makuhaan ng psychological o psychiatric evaluation ang iyong asawa at dapat mapatunayan ang mga sumusunod ukol sa kundisyon ng kanyang pag-uugali: (1) gravity o ang pagiging lubha at seryoso ng kawalan niya ng kakayahan na tumalima sa kanyang mga obligasyon bilang asawa; (2) juridical antecedence o ugat ng kanyang maling pag-uugali na maaaring mga masasamang karanasan sa kanyang nakaraan; at (3) incurability o ito ay hindi kayang gamutin.
Maliban dito ay kailangan mo ring mapatunayan na ang nasabing kundisyon ay permanente at lubhang nakaaapekto sa inyong relasyon bilang mag-asawa. Kung ito ay maging sapat sa hukuman ay maaaring maipagkaloob sa iyo ang iyong petisyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o ma-daragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta