Dear Atty. Acosta,
MAGTATANONG LANG po ako kung paano aayusin ang birth certificate ng anak ko. Hindi kasi kami kasal ng tatay niya. Noong nasa ospital pa ako, siya iyong nag-asikaso sa birth certificate ng bata. Noong nakita ko ang birth certificate ng baby ko, nakita ko nilagyan niya ng date ng kasal samantalang hindi kami kasal. Tinanong ko siya, sabi niya kaya raw niya ginawa iyon dahil gusto niyang isunod iyong bata sa apelyido niya. Magti-3 years old na ang bata at 3 years na rin kaming walang communication. Dalawa na po ang anak ko. Ang unang baby ko iba ang dad pero nakaapelyido sa akin. Gusto ko sanang itama iyong birth certificate ng pangalawang baby ko. Paano ko ba siya maililipat sa apelyido ko? Gusto kong pareho sila ng kapatid niya ng apelyido. Dalawang taon mula ngayon kasi ay mag-aaral na siya kaya gusto ko na maayos ang apelyido niya. Sana po matulu-ngan ninyo ako.
Ms. Carolina
Dear Ms. Carolina,
NAUUNAWAAN NAMIN ang iyong kagustuhang palitan ang apelyido ng iyong pa-ngalawang anak upang maging pareho ang apelyido nito sa isa mo pang anak. Subalit nais naming ipabatid sa iyo na hindi mo na maaaring palitan pa ang apelyido ng iyong pangalawang anak.
Tunay na sa ating batas, ang isang hindi lehitimong anak ay dapat gamitin ang apel-yido ng kanyang ina bilang kanyang apelyido. Subalit dahil sa pagkakapasa ng Republic Act No. 9255 (An Act Allowing Illegitimate Children To Use The Surname Of Their Father), o mas kilala sa tawag na “Revilla Law”, binigyan ng pagkakataon ang mga hindi lehitimong anak na gamitin ang apelyido ng kanilang ama kung ang huli ay hayagan niyang kinilala ang bata bilang kanyang anak sa pamamagitan ng pagpirma sa birth certificate ng bata o sa paggawa ng isang dokumento, public o private document, kung saan kinikilala niya ang bata bilang anak niya.
Sa sitwasyon ng iyong anak, gumawa ng paraan ang kanyang ama upang magamit ng bata ang kanyang apelyido bagamat ang paraan nito ay hindi naaayon sa nabanggit na batas. At hindi natin maipagkakaila na ang intensyon ng ama ng iyong anak ay upang maipagamit nito sa iyong anak ang kanyang apelyido. Ngayon na nakarehistro na ang anak mo sa National Statistics Office gamit ang apelyido ng kanyang ama, hindi mo na ito mababago pa. Ito ay sa kadahilanang ang paggamit ng iyong anak ng apelyido ng kanyang ama ay may mga benepisyo at karapatan na maibibigay sa iyong anak. Kaya naman, tanging ang anak mo lamang ang maaaring magpapalit ng kanyang apelyido sa pamamagitan ng pagsampa ng Petition for Change of Name alinsunod sa Rule 103 ng ating Rules of Court sa hukuman sa lugar kung saan siya ay nakarehistro Subalit ang pagpapapalit ng apelyido ng iyong anak ay maaaring magawa niya lamang pagtuntong niya ng hustong gulang kung saan siya ay binibigyan na ng ating batas ng karapatang makapagdesisyon para sa kanyang sarili.
Gayunpaman, maaari mong ipatama ang maling impormasyon sa birth certificate ng iyong anak na ikaw at ang kanyang ama ay kasal umano. Maaari kang magsampa ng Petition for Correction of Entry sa hukuman sa lugar kung saan nakarehistro ang iyong anak at hilingin sa hukuman na tanggalin ang nasabing impormasyon sa birth certificate ng iyong anak.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 2:00 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta