Gustong kasuhan ang asawang nagpakasal uli sa iba

Dear Atty. Acosta,

GUSTO KO PONG malaman kung paano ako makakakuha ng marriage certificate ng asawa ko at ng babaeng kinakasama niya ngayon. Nagpunta ako sa NSO at ang sabi sa akin ay kailangan akong magpakita ng ID ng babaeng pinakasalan ng asawa ko.

Kami ay ikinasal noong May 1, 1990 at noong May 6, 2006 at naghiwalay kami sapagkat iniwan niya ako. Nagpakasal ang mister ko at ang kanyang kinakasama noong April 25, 2006 at sila ay may anak na ngayon. Gusto ko siyang kasuhan ng bigamy at ngayon ay nangangalap ako ng ebidensiya laban sa kanya. Maliban dito ay tinanggal niya ang pangalan ko bilang dependent sa health card ng kumpanyang pinapasukan niya at inaprubahan ito ng kanyang kumpanya. Sa ngayon ay ayaw niyang ibigay ang health card na dapat ay para sa akin. Maaari po ba niyang gawin iyon? Sana po ay mabigyan ng linaw ang mga katanungan ko. Amelia

Dear Amelia,

MAAARING PERSONAL NA kumuha ng marriage certificate sa Census Serbilis Centers ng National Statistics Office (NSO). Ito ay matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at sa mga karatig na probinsya. Ang mga impormasyong kailangan ibigay sa pagkuha nito ay ang mga sumusunod: (1) buong pangalan ng asawang lalaki, (2) buong pa-ngalan ng asawang babae, (3) petsa ng kasal, (4) lugar na pinagganapan ng kasal, (5) buong pangalan at address ng taong kumukuha ng kopya ng nasabing sertipiko, (6) bilang ng kopya na kailangan, at (7) ang layon sa pagkuha ng sertipiko. Wala sa mga nabanggit ang pagbibigay ng ID ng asawang babae. Marahil ikaw ay hiningian nito upang makatulong upang mabilis na mahanap ang pangalan ng pa-ngalawang asawa ng iyong mister, ngunit ito ay hindi nakatala bilang isa sa mga dokumento o impormasyon na kailangan isumite.

Kung ikaw ay nag-aalangan na bumalik sa tanggapan ng NSO upang kumuha marriage certificate sapagkat wala ka ng nasabing ID, ang iyong maaa-ring gawin ay kumuha ng sertipiko sa pamamagitan ng Internet, sa serbisyong on-line ng NSO gamit ang e-Census (http://www.e-census.com.ph). Madali lamang ang prosesong ito. Pagpunta sa nabanggit na website, pipili ka lamang sa tala ng mga sertipiko roon. Sa iyong sitwasyon, ang iyong pipiliin ay ang marriage certificate. Matapos nito ay pupunan mo ang kanilang NSO request form ng parehong impormasyon na nabanggit sa unang talata, at matapos punan ang request form ay maaari ka nang makapagbayad. Ang sertipiko ay ihahatid sa iyong tirahan.

Kung ikaw ay magkaroon ng patunay na nagpa-kasal ang iyong asawa nang hindi pa napapawalang-bisa ang inyong naunang kasal, sa pamamagitan man lamang ng kanilang marriage certificate o ng iba pang ebidensiya na iyong makakalap, maaari kang magsampa ng kasong bigamy. Ayon sa Artikulo 349 ng Revised Penal Code “The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”

Tungkol naman sa iyong katanungan sa health card ng iyong asawa, mayroong sariling patakaran ang mga kumpanyang nagbibigay ng health card. Kadalasan ay ang legal na asawa ang may karapatan na maging dependent nito. Ngunit may pagkakataon din na malayang makakapamili ang principal holder ng health card kung sino ang kanyang magiging dependent. Higit na maigi na alamin mo ang kanilang patakaran ukol dito nang mapaghandaan mo ang mga hakbang na iyong gagawin upang mapagtibay ang iyong mga karapatan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBurol
Next articleDaiana Menezes does the ‘Chatter’

No posts to display