Dear Atty. Acosta,
ANO PO ba ang magiging parusa ng isang balong babae kung siya ay nakipaglive-in sa isang lalaki na may asawa? Gusto ko po kasing makulong ang babae ng aking asawa na binabahay na niya.
Lally
Dear Lally,
ANG MAPAIT na karanasan na iyong sinapit dahil sa iyong asawa ay sadyang nakalulungkot. Kadalasan, ang mga ganitong bagay ay nagiging mitsa ng tuluyang paghihiwalay ng mag-asawa at ang pagkawasak ng kanilang pamilya. Kung kaya may mga batas na umiiral upang maiwasan ang mga pangyayari na ganito at parusahan ang mga nagkamali.
Ayon sa batas, ang isang lalaking may asawa na ibinabahay ang kinakasamang babae sa kanilang bahay kung saan nakatira ang kanyang pamilya o sa ibang bahay ay mahigpit na ipinagbabawal at ang sinumang lalabag dito ay mapaparusahan ng pagkakulong. Ang paglabag na ito ay tinatawag na “Concubinage” sa ilalim ng Artikulo 334 ng Revised Penal Code of the Philippines.
Ganun pa man, sa kasong ito, ang lalaki lamang ang makukulong sapagkat sang-ayon sa nasabing batas, ang parusa sa babae o kalaguyo ay “destierro”. Ayon pa rin sa Artikulo 87 ng Revised Penal Code of the Philippines, ang “destierro” ay isang parusa kung saan hindi pinapayagang makapasok o makatuntong sa isang lugar o mga lugar na sinasaad sa desisyon o kautusan ng korte o sa palibot ng mga lugar na ito na hindi tataas sa sukat na 250 kilometro at hindi bababa sa 25 kilometro ang taong nasentensyahan ng parusang ito.
Kung nais mong sampahan ng kaso ang iyong asawa at ang kanyang karelasyon, kailangan mong maghain ng reklamo sa tanggapan ng taga-usig o prosecutor ng lugar kung saan nangyari ang kanilang pagsasama. Kakailanganin mo ng mga ebidensya na magpapatunay na mayroong relasyon ang iyong asawa at ang kanyang karelasyong babae at sila ay nagsasama na sa isang bahay o tirahan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta