Gustong Kunin ang Anak sa Dating Nobya

Dear Atty. Acosta,

APAT NA taon na kaming hindi nagkikita ng aking dating kasintahan. Nagbunga ang aming pag-iibigan ng isang anak na lalaki na simula’t sapul ay nasa kanyang pangangalaga. Kamakailan ay nabalitaan ko na napapabarkada ang aking dating nobya at mukhang hindi sila magandang impluwensiya sa bata. Ang ikinatatakot ko ay ang mapabayaan niya ang aming anak o malagay siya sa kapahamakan. May karapatan ba ako na kuhanin ang aking anak sa kanyang ina?

Lubos na gumagalang,

Caloy

 

Dear Caloy,

SA PANGKALAHATAN, maaaring gampanan ng parehong magulang ang pangangalaga at parental authority sa kanilang anak. (Artikulo 211, Family Code of the Philippines) Subalit mayroong mga pagkakataon na hindi nagagampanan ng isa sa mga magulang ang nasabing awtoridad sapagkat hindi sila kasal o sila ay hiwalay ng tirahan at hindi na nagsasama. Sa mga ganitong pagkakataon, maaaring magkasundo ang mga magulang ukol sa pangangalaga at kustodiya ng kanilang anak. Maaari rin silang dumulog sa hukuman kung sila ay hindi magkasundo.

Sa kaso ng mga hindi lehitimong anak, ang parental authority ay ipinagkakaloob ng batas sa ina ng bata. (Artikulo 176, id) Kung ang bata ay may edad na hindi lalagpas sa pitong taong gulang, hindi siya maaaring mawalay sa pangangalaga ng kanyang ina, liban na lamang kung mayroong matinding rason o “compelling reasons” upang ibigay ang kustodiya at pangangalaga ng bata sa kanyang ama o sa ibang taong itatalaga ng hukuman. (Artikulo 213, id) Higit pa rito, sa mahabang tala ng desisyon ng ating Korte Suprema, ang parating nangingibabaw ay ang “best interest” ng bata.

Sa iyong sulat sa amin, hindi mo nabanggit kung kayo ay ikinasal ng ina ng iyong anak. Ang tanging nabanggit mo lamang ay siya ang dati mong kasintahan. Kung kaya’t masasabi namin na bilang isang illegitimate child, ang iyong anak ay mananatili sa pangangalaga ng iyong dating kasintahan alinsunod na rin sa mga nabanggit na batas. Kung nais mong maibigay sa iyo ang parental authority ng iyong anak at mailipat sa iyo ang kanyang kustodiya, makabubuti na maghain ka ng kaukulang petisyon sa hukuman. Subalit mahalaga na mapatunayan mo na mayroong matinding pagkukulang o pagkakamali ang ina ng iyong anak. Base sa iyong sulat, siya ay napapabarkada na at nangangamba ka na maaaring makaapekto ito sa pangangalaga niya sa inyong anak. Ngunit hindi ito sapat na batayan upang masabi na siya ay “unfit” bilang magulang. Hindi rin ito sapat na basehan upang masabi na ikaw ang makapagbibigay ng sinasabing “best interest” ng bata. Marahil makakabuti na lumikom ka muna ng sapat na ebidensya na magpapatunay na ikaw ang higit na mayroong karapatan at karapat-dapat na mag-alaga ng iyong anak, o kaya naman ay hilingin mo na lamang sa hukuman na bigyan ka ng shared custody upang mabigyan mo rin ng patnubay ang iyong anak.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang payong ito ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleManny Pacquiao, wala nang dapat pang patunayan
Next articleVice Ganda, humingi ng apology sa nabastos na composer

No posts to display