Dear Atty. Acosta,
NAIS KO lamang pong mag-seek ng advice kung paano ko makukuha ang custody ng aking 2 anak at ipamahala sa aking mga magulang ang pangangalaga habang ako ay nagwo-work dito sa abroad.
Heto po ang aking mga rason, sugapa sa bisyo ang aking asawa, lahat ng aking naipundar na kagamitan mula nang ako ay mag-abroad ay naibenta na lahat, ginagamit na dahilan ang aking mga anak upang makautang ng pera para sa kanyang bisyo, hindi pinapapasok ang mga bata sa eskwela at ginagamit ang pera sa bisyo, tinuturuang magsinungaling ang mga bata sa tuwing kakausapin ko para kumustahin ang kanilang pag-aaral, hanggang sa malaman ko na hindi na pala pumapasok ang mga bata. Pinatawad ko po siya noon pero sa ngayon ay hindi ko na po kaya ang ginagawa ng aking asawa. Nais ko pong habang ako ay nandito sa abroad ay nasa pangangalaga ng aking magulang ang 2 bata. Pinagbabantaan po niya ang aking mga magulang nang masama. Ayaw po niyang ibigay ang mga bata sa aking magulang sa kadahilanang hindi siya makatatanggap ng pera kung wala ang aking mga anak sa kanya. Ano po ba ang dapat kong gawin? Nais ko na pong hiwalayan ang aking asawa.
Jo
Dear Jo,
KARAPATAN NG bawat magulang ang palakihin at arugain ang kanilang mga anak. Ito ang tinatadhana ng batas na nagkakaloob sa mga magulang ng tinatawag na “parental authority”. Ang “parental authority” ay ang likas na karapatan at obligasyon ng mga magulang sa katauhan ng kanilang mga menor de edad na anak at ganun na rin sa mga ari-arian nila. Kabilang sa karapatan at obligasyong ito ay ang pag-aalaga at pagpapalaki sa kanilang mga anak para sa kamalayang panlipunan at paglilinang o pagpapahusay sa kanilang moralidad, kaisipan at pisikal na kaanyuan at kagalingan (Article 209, Family Code of the Philippines).
Ito ay magkasabay na ginagampanan at isinasagawa ng ama’t ina ng isang anak. Kung magkakaroon man ng hindi pagkakasunduan sa pagitan nila, ang desisyon ng ama ang siyang mangingibabaw, maliban na lamang kung mayroong utos ang hukuman (Article 211, Family Code of the Philippines).
Kaugnay nito, sa iyong pansamantalang pagkawala upang maghanapbuhay sa ibang bansa, ang may karapatan sa pagkupkop ng iyong mga anak ay ang iyong asawa. Ganu’n pa man, sang-ayon na rin sa iyong pagsasalaysay, hindi nararapat na manatili sa kustodiya ng kanilang ama ang iyong mga anak sa kadahilanang siya ay maraming masasamang bisyo na makasasama sa kanilang paglaki.
Ang isang magulang ay itinuturing na walang kakayahang magpalaki o kumupkop ng kanyang mga anak o hindi siya karapat-dapat sa obligasyong ito, kung mapatutunayang siya ay walang trabaho, imoral, palaging naglalasing, drug addict, nagmaltrato, nagpabaya o nag-abandona ng bata, may diperensya sa pag-iisip o may nakahahawang sakit, kung saan malaki ang magiging epekto nito sa pag-aaruga sa o paglaki ng mga bata (Pablo-Gualberto vs. Gualberto, GR No. 154994, June 28, 2005, 461 SCRA 450).
Sa ganitong sitwasyon, ang maaaring gumanap sa obligasyong mag-alaga o magpalaki sa iyong mga anak habang ikaw ay wala upang magtrabaho sa ibang bansa ay ang iyong mga magulang. Kung mayroong magulang ng iyong asawa, tanging ang korte ang siyang magtatakda kung kanino sa kanila mapupunta ang bata, dahil sila ang itinadhana ng batas upang gumanap sa tinatawag na “substitute parental authority” (Article 214, Family Code of the Philippines).
Kaugnay naman ng balak mong pakikipaghiwalay sa iyong asawa, maaari itong maisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasampa ng “Petition for Legal Separation”. Isa sa mga basehan upang payagan ng korte ang nasabing petisyon ay ang pagiging lulong ng isang asawa sa ipinagbabawal na droga o ang madalas o palagiang paglalasing o pag-inom ng labis na alak. Dagdag pa rito ang pagtataksil ng isang asawa sa kanyang asawa o ang pagkakaroon niya ng ibang karelasyong sekswal (Article 55, Family Code of the Philippines).
Ang usapin sa kustodiya ng iyong mga anak ay kasama na ring matatalakay sa nasabing kaso pati na rin ang hatian sa mga ari-arian ninyong mag-asawa.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta