HALOS ISANG TAON po akong nagtrabaho sa Jeddah, KSA. Hindi pa po tapos ang aking kontrata ay pinaalis na ako sa trabaho nang walang legal na dahilan. Meron pa po akong natitirang isang taon bago matapos ang kontrata. Ngayo’y nasa ‘Pinas na ako at gusto ko sanang magsampa ng kaso sa aking employer at ahensiya. Maaari ko bang hilingin sa labor arbiter na bigyan ako ng backwages at magkaroon ako ng reinstatement sa trabaho? — Rolando ng Oas, Albay
DEPENDE KUNG ANO ang dahilan ng pagkatanggal mo sa trabaho. Kung legal at may katuwiran ang pagkatanggal sa iyo sa trabaho, hindi ka makakakuha ng backwages at reinstatement.
Pero kung illegal at walang dahilan ang pagkaalis sa iyo sa trabaho, maaari kang makahingi ng backwages. Ang ibig sabihin, maaaring i-award sa iyo ang dapat mo sanang kitain kung hindi ka inalis sa trabaho.
Liban pa rito, ang iba pang gastusin mo tulad ng pamasahe pauwi ay sagot din ng agency kung illegal ang pagpapatalsik sa iyo.
Ngunit hindi ka na maaaring humiling ng reinstatement. Ang isang OFW ay hindi maaaring ibalik sa dati niyang trabaho, may katuwiran man o wala ang pagkaalis sa kanya. Ang tanging habol niya ay sa danyos o damages.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo