Gustong Madaliin ang Pagpapakasal

Dear Chief Acosta,

 

NAIS NA po naming magpakasal ng aking nobyo. Ang sabi ng aking kaibigan ay kailangan pa raw naming magpaalam sa aming mga magulang at kailangan naming kumuha ng lisensya. Sa huwes lamang po kami magpapakasal. Kailangan pa po ba namin ang lahat ng ito? Sa susunod na buwan na po sana namin planong magpakasal. Ang inaalala namin ay maaaring magahol kami sa oras at makadagdag pa ito sa aming gastusin. Sana ay maliwanagan po ninyo kami.

 

Umaasa at gumagalang,

Krishna

 

Dear Krishna,

 

ANG PAGPAPAKASAL ay hindi lamang simpleng seremonya ng pagsasama ng dalawang tao. Sa mata ng ating batas ay maraming alituntunin na kailangang sundin upang magkaroon ng bisa ang pag-iisang dibdib ng mga partido. Isa sa mga alituntuning ito ay ang pagkakaroon ng balidong marriage license. Ito ay isa sa mga pormal na elemento ng may-bisang kasal. (Artikulo 3 (2), Family Code) Maaari kayong kumuha ng nasabing lisensya sa local civil registrar ng lugar kung saan ka naninirahan o kung saan nakatira ang iyong mapapangasawa. Mahalagang isumite ninyo ang lahat ng mga dokumentong kinakailangan, katulad ng inyong application form, birth certificate at iba pa.

Ayon sa iyong sulat, pinayuhan ka ng iyong kaibigan na kailangan ninyong magpaalam sa inyong mga magulang bago kayo makapagpakasal. Karaniwan na sa kulturang Pilipino ang ipinapaalam muna ng mga magpapakasal sa kanilang mga magulang ang kanilang napipintong pag-iisang dibdib. Sa legal na aspeto naman, responsibilidad ng isa o parehong partido na kumuha ng pagsang-ayon ng kanilang mga magulang kung ang kanilang edad ay nasa pagitan ng labing-walo at dalawangpu’t isang taong gulang. Ayon sa Artikulo 14 ng Family Code of the Philippines, “In case either or both of the contracting parties, not having been emancipated by a previous marriage, are between the ages of eighteen and twenty-one, they shall, x x x exhibit to the local civil registrar, the consent to their marriage of their father, mother, surviving parent or guardian, or persons having legal charge of them, in the order mentioned. x x x” Ang nasabing parental consent ay maaaring ibigay sa pamamagitan ng isang kasulatan kung personal na haharap ang mga magulang sa local civil registrar, o sa pamamagitan ng isang notaryadong sinumpaang salaysay na ginawa sa harap ng dalawang saksi. Mahalaga na makakuha kayo ng pagsang-ayon ng inyong mga magulang sapagkat ang hindi ninyo pagtalima rito ay maaaring maging basehan ng pagpapawalang-bisa ng inyong kasal. (Artikulo 45)

Kung ang edad ninyo ng iyong kasintahan naman ay nasa pagitan ng dalawangpu’t isa at dalawangpu’t limang taong gulang, hindi na ninyo kailangan hingin ang pagsang-ayon ng inyong mga magulang. Subalit, mahalaga na kayo ay kumuha ng parental advise o payo ng inyong mga magulang. Kung kayo ay hindi makakakuha ng nasabing payo o kung ito ay hind maging pabor sa inyo, hindi kayo maaaring bigyan ng local civil registrar ng inyong marriage license sa loob ng tatlong buwan mula sa araw na kayo ay humingi nito. (Artikulo 15)

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleUAAP schools nagpatalbugan sa CDC, NU back-to-back champion
Next articleBoycott Ang Gilas?

No posts to display