Dear Atty. Acosta,
MAYROON PO akong nobyo. Tatlong taon na kaming magkarelasyon at napag-uusapan na namin ang tungkol sa posibilidad ng aming pagpapakasal. Ang problema po ay mayroon na siyang asawa. Matagal na niyang ipinaalam sa asawa niya na ayaw na niyang manatiling kasal sa kanya, ngunit hindi ito pumapayag na sila ay maghiwalay. Ano po ba ang dapat niyang gawin? Maaari po bang magpakasal na lamang kami nang palihim na kaming dalawa lamang ang makaaalam? Naisip po namin ito para maging lehitimo na sana ang aming pagsasama. Sana ay mapayuhan ninyo kami.
Gumagalang,
Tin
Dear Tin,
UNA SA lahat ay nais naming linawin na walang “lihim na kasal”. Kung magpapakasal kayo ng iyong nobyo na kayong dalawa lamang ang makaaalam ay maituturing na walang-bisa ito. Ang mismong legal na kahulugan ng kasal ang nagtatakda na ito ay dapat ganapin sa harap ng taong mayroong awtoridad na magkasal at dapat ay daluhan ng hindi bababa sa dalawang testigo na nasa hustong gulang (Artikulo 3 (3), Family Code of the Philippines). Kaugnay nito, nais naming ipaalam sa iyo na hindi kayo maaaring magpakasal ng iyong nobyo nang palihim.
Maliban dito, hindi rin kayo maaaring magpakasal sa kadahilanang siya ay kasal pa sa kanyang asawa. Tanging ang isang babae at lalaki na may edad labing-walo pataas at walang legal na hadlang lamang ang maaaring magpakasal sa isa’t isa (Artikulo 5, id). Ang pagkakaroon ng asawa ng iyong nobyo ay masasabing isang legal na hadlang. Kung sakali mang makapagpakasal kayo ay maituturing na hindi legal ang inyong pagsasama sapagkat ito ay bigamous marriage. Sa katunayan, maaari pa kayong maharap sa legal na suliranin kung itutuloy ninyo ang binabalak ninyong pagpapakasal. Batay sa Artikulo 349 ng Revised Penal Code: “The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”
Kung totoong nais ng iyong nobyo na maging lehitimo ang inyong relasyon, kailangan ninyo munang maghiwalay upang maayos niya ang kanyang responsibilidad sa taong pinakasalan niya. Kung talagang hindi na niya mahal ang kanyang asawa ay dapat niyang daanin sa legal na paraan ang kanilang paghihiwalay. Kung siya ay mayroong sapat na batayan sa ilalim ng ating batas, maaari niyang hilingin sa hukuman na ipawalang-bisa ito. Tandaan na tanging ang hukuman lamang ang maaaring magdeklara na walang-bisa ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa at ito rin ang magbibigay sa kanya ng kakayahan na pumasok muli sa panibagong relasyon katulad ng nais ninyo.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta