Dear Atty. Acosta,
TATLONG TAON na po akong hiwalay sa aking asawa. Gusto ko na pong mapawalang-bisa ang aming kasal, pero sabi ng asawa ko hindi siya pipirma sa annulment papers. Ano po ba ang dapat kong isampa para mapatunayan na hindi na kami nagsasama? Gusto ko ring magamit ulit ang apelyido ko sa pagkadalaga. Ano po ang dapat kong isampa?
Ms. Reyes
Dear Ms. Reyes,
ANG KASAL ng mag-asawa ay maaaring ipawalang-bisa sa pamamagitan ng pag-sampa ng Petition for Annulment o ‘di kaya ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage. Ang basehan ng Petition for Annulment ay Artikulo 45 ng Family Code. Samantala, ang basehan ng Petition for Declaration for Nullity of Marriage ay Artikulo 36, 37 o 38 ng Family Code.
Ang Petition for Annulment o Petition for Declaration of Nullity of Marriage ay isinasampa ng taong nais na ipawalang-bisa ang kanyang kasal. Ang nagsampa ng petisyon ay tinatawag na Petitioner. Ang kanyang kabiyak ang siyang magiging Respondent sa kasong isinampa.
Sa mga kaso ng pagpapawalang-bisa sa kasal, ang Provincial o City Prosecutor ay inatasan ng Office of the Solicitor General na mag-imbestiga at makibahagi sa pagdinig para maiwasan ang posibleng sabwatan ng mag-asawa para maipawalang-bisa ang kanilang kasal. (Section 9, Rules on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages)
Ang korte, kung saan naisampa ang kaso, ay magpapadala ng kopya ng petisyon sa Respondent. Binibigyan ng panahon ang Respondent para sagutin ang mga paratang na napaloob sa petisyon. Kapag hindi sumagot ang Respondent, itutuloy ng korte ang pagdinig sa kaso. Magbababa ng kaukulang hatol ang korte base sa petisyon at mga ebidensyang isinumete sa kanya.
Hindi kinakailangan ang pagsang-ayon ng kabilang panig para maisampa ang Petition for Annulment o Petition for Declaration of Nullity of Marriage.
Sa iyong kaso, kung nais mong mapawalang-bisa ang iyong kasal ay maaari kang magsampa ng Petition for Annulment o Petition for Declaration of Nullity of Marriage kahit na hindi sumang-ayon ang inyong asawa. Ngunit kung nais mo lang ng patunay na hindi na kayo nagsasama ng iyong asawa, maaari kang magsampa ng Petition for Legal Separation. Dito, magbababa lang ang korte ng kautusan na pinapayagan ang mag-asawa na magkahiwalay ng tirahan at hindi mapapawalang-bisa ang kasal ng mag-asawa sa legal separation.
Tungkol naman sa nais mo na gamitin ang iyong apelyido sa pagkadalaga, ito ay maaari mong gawin. Sa Pilipinas, kapag nag-asawa ang isang Pilipina, ginagamit niya ang apelyido ng kanyang asawa. Ayon sa Artikulo 370 Civil Code ang Pilipinang kasal ay maaaring gamitin ang alinman sa mga sumusunod:
1. Pangalan niya at apelyido sa pagkadalaga at ang apelyido ng kanyang asawa, o
2. Pangalan niya at ang apelyido ng kanyang asawa, o
3. Buong pangalan ng asawa niya na may dagdag na Mrs. sa unahan.
Hindi obligasyon ng babaeng may asawa na gamitin ang apelyido ng kanyang asawa. Sa katunayan, wala namang batas na nagsasabing kinakailangang gamitin ng babaeng may-asawa ang apelyido ng kanyang kabiyak. Isinasaad lamang sa Artikulo 370 na maaaring gamitin ng babae ang apelyido ng kanyang asawa. Ang komentaryo ni Tolentino ay binanggit sa kaso ng Yasin v. Judge Shari’a District Court. Nabanggit din sa concurring decision ng kaso na kinakailangan
lamang na isaad sa mga dokumento na ang babae ay may-asawa na at ang paggamit ng apelyido sa pagkadalaga ay hindi ginawa upang manlinlang ng kapwa. (Yasin v. Judge, Shari’a District Court, 241 SCRA 606, 23 February 1995)
Sa gayon, wala kang dapat isampa sa korte para magamit ang iyong apelyido sa pagkadalaga.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta