Gustong Palitan ang Apelyido ng Anak

Dear Atty. Acosta,

 

AKO PO ay nagkaroon ng live-in partner noong taong 2006. Pinagkalooban po kami ng isang anak at rehistrado po ang bata sa apelyido ng kanyang ama. Siya po ay mag-aapat na taon na. Ngayon po ay hindi na kami nagsasama ng ama ng anak ko. Maaari po ba na palitan ko ang apelyido ng anak ko at isunod sa apelyido ko? Kung pwede po, anu-ano po ang kakailanganin ko upang maisagawa ito? Isa pa pong katanungan, ay kung may habol pa po ba ang ama ng anak ko na kunin ang bata sa akin? Siya po ay nasa ibang bansa simula noong 2004. Apat na beses lang po siyang nagpadala sa amin.

Sana ay matugunan ninyo ang mga katanungan ko na palaging bumabagabag sa kalooban ko. Salamat po!

 

Gumagalang,

Ms. Marita

Dear Ms. Marita,

 

NAKAKALUNGKOT ISIPIN na ang minsang masayang pagsasama ng nagmamahalan ay nauuwi sa hiwalayan. Ang masaklap pa nito ay ang walang kamalay-malay na mga bata ang lubos na naaapektuhan. Gayunpaman, ang lahat ng nangyayari ay kalooban ng Poong Maykapal na dapat nating tanggapin at panindigan.

Aming nahihinuha sa iyong salaysay na hindi kayo kasal ng ama ng iyong anak. Dahil dito, ang iyong anak ay maituturing na hindi lehitimong anak. Subalit kung ang iyong anak ay kinilala na ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagpirma sa birth certificate ng bata na naging basehan ng pagpapagamit ng apelyido  nito sa bata at ang birth certificate ay nakarehistro na sa civil registry, ikinalulungkot namin ipaalam sa iyo na sa ngayon, ito ay hindi mo na maipababago pa.

Tanging ang iyong anak lamang ang maaaring magpabago ng kanyang apelyido sa kanyang birth certificate.  Maaari niyang gawin ito pagtuntong niya ng 18, ang edad na maaari na siyang gumawa ng sarili niyang pasya sa buhay at kung maisipan niya na palitan ang kanyang apelyido, gamitin ang iyong apelyido upang maalis ang impresyon na kinilala siya ng kanyang ama. Pagsapit sa gulang na ito, maaari siyang maglagak sa tamang hukuman ng isang petisyon na tinatawag na Petition for Change of Name alinsunod sa Rule 103 ng ating Rules of Court. (Republic of the Philippines versus Trinidad R.A. Capote, G.R. No. 157043, February 2, 2007)  Ang iyong anak lamang ang makakapagsabi kung nais niyang tanggapin ang mga benepisyong makukuha niya sa kanyang ama bilang isang hindi lehitimong anak tulad ng suporta at mana. Ang mga bagay na ito ay hindi mo maaaring ipagkait sa kanya dahil lamang sa hindi magandang resulta ng samahan ninyo ng kanyang ama.

Hindi mo mapapabago ang apelyido ng iyong anak ngunit huwag kang mabahala na makukuha ng dati mong live-in partner ang iyong anak mula sa iyo. Ayon sa Article 176 ng Family Code, ang hindi lehitimong anak ay nasa ilalim ng walang-takdang kapangyarihan ng ina na alagaan ang katauhan at pag-aari nito. Ito ang tinuturan ng ating batas kahit pa nagbibigay ng suportang pinansyal ang ama. Ang tanging maaaring ibigay na karapatan sa ama ay ang pagbisita o visitorial rights sa bata.

Nawa ay nabigyang linaw namin ang iyong agam-agam.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBeach Body ba? Basic muna!
Next articleTunay na diwa ng Edsa

No posts to display