Gustong Palitan ang Apelyido ng Anak

Dear Atty. Acosta,

 

MAGANDANG ARAW po sa inyo. Nais kong isangguni sa inyo ang isang suliranin tungkol sa apelyido ng aking anak.  Mayroon po akong isang anak na lalaki, 3 years old. Ipinanganak ko po siya sa Pilipinas ngunit ang kanyang ama ay isang Bangladeshi national. Gamit ng anak ko ang aking apelyido sa kadahilanan na hindi po kami kasal noon ng kanyang ama at siya rin po ay wala sa Pilipinas nang ako ay manganak. Taong 2009 po noong kami ay nagpakasal at ngayon nais na po naming mag-asawa na gamitin na ng anak namin ang apelyido ng kanyang ama. Anu-ano po ba ang proseso at kailangan naming gawin upang madala po ng anak namin ang apelyido ng kanyang ama? Nawa ay mabigyan po ninyo ako ng kasagutan sa bagay na ito. Maraming salamat po.

 

Nerissa

Dear Nerissa,

 

MAAARING GAMITIN ng inyong anak ang apelyido ng kanyang ama sa oras na inyong maipatala ang legitimation ng inyong anak sa Local Civil Registry Office kung saan nakarehistro ang kanyang kapanganakan. Ang legitimation ay nangyayari kung ang mga magulang ng isang hindi lehitimong bata ay maaari namang magpakasal noong ang bata ay nabuo sa sinapupunan ng ina dahil walang legal na hadlang upang magpakasal ang mga ito noong panahong iyon.  Gayunpaman, kung ang tanging sagabal sa pagpapakasal ng mga magulang noong panahong iyon ay ang kanilang pagiging menor de edad, maaari pa ring magka-legitimation kapag sila ay nagpakasal sa hinaharap. Kaugnay nito, ang pagpapakasal ng mga magulang ng hindi lehitimong bata ay ang mag-aakyat sa estado ng bata mula sa pagiging hindi lehitimo sa pagiging lehitimong anak. (Art. 177-178, Family Code of the Philippines, as amended by R.A. No. 9858) Kapag naging lehitimo na ang bata sa pamamagitan ng legitimation, lahat ng mga karapatan ng isang lehitimong anak ay makukuha nito simula sa kanyang kapanganakan. (Art. 179-180, Family Code of the Philippines) Samakatuwid, sa mata ng batas, lehitimong anak ang bata mula nang siya ay ipinanganak.

Isa sa mga karapatan ng isang lehitimong anak ay ang gamitin ang apelyido ng kanyang ama. [Art. 174 (1), Family Code of the Philippines] At sa oras na magpakasal ang mga magulang ng isang di-lehitimong anak nang wala namang legal na hadlang na magpakasal sa isa’t isa noong umpisa pa lamang, maaari nang gamitin ng bata ang apelyido ng kanyang ama.  Gayunpaman, kinakailangan munang ipatala sa Local Civil Registry Office ang pagpapakasal at ang legitimation sa legitimation register upang mailagay ito sa Birth Certificate ng bata sa pamamagitan ng kaukulang anotasyon. (Section 8, R.A. No. 3753)

Upang ito ay maisakatuparan, kailangan itong ipatala sa Local Civl Registry Office ng lugar kung saan nakatala ang kapanganakan ng inyong anak. Kailangang isumite sa nasabing tanggapan ang mga sumusunod: 1) Certificate of Marriage; 2) Certificate of Live Birth ng inyong anak; 3) Acknowledgement o pagkilala ng ama sa bata bilang kanyang anak (hindi kailangan sa kaso ng mga ‘di lehitimong anak na ipinanganak noong ika-3 ang Agosto 1988 o pagkatapos nito); 4) Affidavit of legitimation na ginawa ninyong mag-asawa na naglalaman ng mga sumusunod: a) buong pangalan ng magulang ng bata; b) ang katunayan na noong ipinagbuntis ang anak ninyo ay walang hadlang upang magpakasal kayo at kayo ay nagpakasal matapos na ipinanganak ang nasabing bata; c) ang petsa at lugar ng inyong kasal; d) pangalan ng opisyal na nagkasal sa inyo; e) ang siyudad o munisipyo kung saan nakatala ang inyong kasal; f) ang buong pangalan ng inyong anak at iba pang impormasyon tungkol sa kanyang kapanganakan; g) ang petsa ng kapanganakan ng inyong anak at ang lugar kung saan ito nakatala; at ang paraan ng pagkilala sa inyong anak, maaaring sa kanya mismong birth certificate, sa “will” o huling habilin, sa pahayag sa hukuman, o sa kahit na anong tunay at authentic na dokumento. (Rule 66, Administrative Order No.1, Series of 1993, National Statistics Office)

Kapag nagawa na ninyo ang mga nabanggit, lalagyan na ng anotasyon ang Birth Certificate ng inyong anak kung saan ilalagay sa remarks ang katagang “Legitimated by subsequent marriage” at ang pangalan ng inyong anak kung saan ang kanyang apelyido ay ang apelyido na ng kanyang ama. Dapat matandaan na hindi babaguhin ang orihinal na apelyido ng inyong anak na nauna nang nailagay sa kanyang Birth Certificate, subalit dahil sa anotasyong nabanggit, maaari nang gamitin ng inyong anak ang apelyido ng kanyang ama. (Adimistrative Order No. 1, Series of 1993, NSO)

Kung hindi naman papasok sa legitimation ang inyong kaso dahil may hadlang sa inyong pagpapakasal ng inyong asawa noong una pa lamang, maaari pa ring gamitin ng inyong anak ang apelyido ng kanyang ama, kahit ito ay mananatiling ‘di lehitimong anak ninyong dalawa. Ang kinakailangan lamang ay ang pagkilala ng ama sa bata bilang kanyang anak. (R.A. No. 9255)

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleYouTube, anyare?
Next article‘Di puwedeng tawaging bobo sina Cong

No posts to display