BLIND ITEM: NAKO, dapat, ngayon pa lang, kung totoo man, ay tigil-tigilan na ng isang guwapong aktor ang kanyang bisyong “bato.” Oo! Kasi, ang sabi ng aming source, eh, under surveillance na raw ng otoridad ang bawat kilos ng aktor.
Alam naming “mulagat” lang ang kanyang mga mata, pero hindi namin gustong paniwalaan na masyado pa ‘yong “nagdudumilat” sa katotohanang siya’y “umiiskor.”
Juice ko po, walang maidudulot na mabuti ‘yang droga na ‘yan sa buhay niya, utang na loob. Saka isipin niyang mabuti na siya rin ang inaasahan ng pamilya niya, kaya kung ipapariwara lang niya ang kanyang buhay ay baka mapunta sa wala ang pangalang binuo niya.
“Eh, paano naman kasing hindi maeengganyo ang lolo mo, Kuya Ogie, eh, libre niya kasing nakukuha sa bakla niyang kaibigan ang Sharon Stone! Hindi ko nga lang alam kung me nangyayari sa bakla at sa kanya sa tuwing sila’y nasa alapaap!”
Gusto n’yo ng clue a la Pinoy Henyo?
Matangkad ba ‘to? Puwede.
Flawless ba ‘to? Oo.
May anak na ba ‘to? Oo.
May apo na? Wala.
May show sa isang network? Oo.
Ang show ba niya, matagal na? Oo.
O, tama na, ha? Lampas na ang two minutes.
ARTISTAHIN SI JASON Ivler, napansin n’yo? Sayang nga lang ang batang ito at napariwara. Kung me nakatuklas lang dito nu’ng araw, pihado, hindi siya nasadlak sa madilim na kahapon at baka ngayon ay isa na siyang sikat na artista.
Kamukha pa naman ni Bro, ‘no? Sayang talaga.
Sabi nga, talagang ganyan ang buhay. Gumawa ka ng masama, may katapat na kaparusahan ‘yan. Gumawa ka ng kabutihan, may katapat na magandang balita.
Magulang nga ba ang dapat sisihin sa pagkakaligaw ng landas ni Jason?
NAKAKALOKAH, SA BAWAT ikot namin sa District 3 ng Quezon City ay iisa lang ang tanong na natatanggap namin. Bakit daw malapit nang matapos ang May Bukas Pa, samantalang kinapupulutan ng aral ang palabas na ito at nagbibigay pa ng inspirasyon sa bawat Pilipino.
Eh, talaga pong gano’n. Lahat naman, may hangganan. Ang nakatutuwa lang, sa dami ng teleseryeng nagdaan sa ating pang-araw-araw na buhay eh masuwerte nang umabot nang isang taon ito.
Sabi nga namin, hindi na masama. Hindi na kami choosy. At proud kami na naging bahagi kami ng palabas na ito. Nakilala kami ng mga tao bilang si “Sweetheart,” si Ato.
At kung minsan nga, ang tawag na sa amin ng mga constituents namin sa aming distrito ay “Bro” o kaya ay “Santino.” Ibig lang sabihin, malaki ang naging impact ng May Bukas Pa.
Sa Feb. 5 ang huling episode ng May Bukas Pa at nakakalokah ang mga kapana-panabik na mga eksena ngayong patapos na, ha? Kaya pakatutukan n’yo.
Meanwhile, gusto lang naming magpasalamat sa ABS-CBN management na kahit alam nilang kami’y tatakbo bilang Konsehal sa 3rd District ng Quezon City ay hindi naging rason ‘yon para kami’y tanggalin sa naturang teleserye.
Kaya thank you, thank you. At higit sa lahat, maraming salamat, Bro!
‘Wag n’yong kalilimutang makinig palagi sa “Wow! Ang Showbiiiz!” sa dwiz 882 sa inyong AM station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12nn. Kasama siyempre, sina Ms. F, Daddy Eric at Fwend Rommel.
Oh My G!
by Ogie Diaz