MAPANGAHAS ANG bagong project ng TV5 na magsisimulang mapanood every Tuesday at 8:00 pm sa buong buwan ng February, ang apat na pelikula na tinawag na TV5 Original Movies na idinirek ng magagaling na director na sina Direk Joel Lamangan at Direk Marc Alejandre.
Last Wednesday night, ipinanood sa press ang When I Fall In Love na muling pinagtambalan nina Nora Aunor at Tirso Cruz na idinirek ni Joel Lamangan.
Simple ang kuwento pero maganda ang pagkakagawa, malinis at puwede mong sabihin na mas maganda pa sa ibang pelikulang ipinalalabas on a regular run sa mga sinehan.
Yes, libre itong mapapanood ng masa dahil sa TV5 ito ilalabas na hindi na kailangan magbayad para mapanood.
Ang galing ng ipinamalas na acting ni Tirso sa role na husband ni Nora na mamamatay dahil sa sakit na pancreatic cancer.
Magagaling din ang gumanap nilang mga anak na sina Nadine Samonte, Felix Rocco at Marc Abaya.
Kapag pinanood mo ang apat na TV5 original movies ay para ka na rin nanood sa mga sinehan pero pagkakaiba lang ay libre ito, dahil mapapanood ito every Tuesday evening sa Kapatid Network.
Sa February 4, mapapanood ang The Lady Next Door na pinagbidahan nina Alice Dixson at Artista Academy`s teen na si Mark Neumann na mala-December love affair, directed by Marc Alejandre.
February 18, The Replacement Bribe na pinagbidahan nina Jasmine Curtis-Smith at Daniel Matsunaga na idinirek muli ni Marc Alejandre. Comedy/drama ang istorya na kung saan kakaibang Jasmine at Daniel ang masasaksihan dahil nagpakita ng kanilang galing sa pag-arte sa pagpapatawa at drama ang dalawa.
February 25, Bawal na Sandali na pinagbidahan nina Derek Ramsay, Angel Aquino at Yul Servo na idinirek nina Joel Lamangan at Eric Quizon.
Istorya ng bawal na pagmamahal na mauuwi sa isang tragedy na siguradong ikasisindak ng mga makakapanood.
At sa February 11, para sa pang-Valentine offering ng TV5, ang When I Fall In Love na pinagbidahan nga ng former hot loveteam noon na sina Nora at Tirso.
Mapangahas ang project na tinawag na telesine dahil mas maganda pa ito sa mga pelikulang ipinalalabas sa mga sinehan. At ang maganda rito sa apat na telesine ng TV5 , mapapanood ito ng isang araw lang at hindi na kayo ibibintin pa sa takbo ng istorya.
Congrats sa nakaisip ng ganitong project sa pangunguna ni Chief Executive for Entertainment ng TV 5, na si Ms Wilma Galvante at ang bumubuo ng TV5 original movies.
WALANG NAGING problema kay Joyce Ching na makasama sa bagong serye ng GMA 7, na Paraiso Koy Ikaw ang ex-boyfriend na si Kristoffer Martin. Mas madalas na kaeksena naman daw niya si Kim Rodriquez, lead female star ng serye.
Mas madalas nga raw niyang kaeksena sina Kim at ang baguhang si Pythos Ramirez. Magkakaroon kasi ng love triangle sa kanilang tatlo (Kim, Kristoffer at Joyce) kapag napadpad si Kim sa Maynila at malalaman niya na magkapatid sila ni Joyce.
Ayon pa kay Joyce, wala naman daw problema kung magkakaroon sila ng eksena ni Kristoffer sa serye.
“Hindi naman po ako ganoon.Okey lang sa akin yun magkasama kami sa show. Sa mga ibinigay nila sa aking eksena, wala po talaga kaming eksena ni Kristoffer. Saka iba ang mga location niya, Ako sa Manila, siya sa probinsya,” nakangiting pahayag ni Joyce na kahit sariwa pa ang sugat sa puso sa paghihiwalay nila ni Kristoffer.
Isa pa, tanggap na rin raw ni Joyce na mas nalilinya siya sa pagiging kontrabida.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo