MAGANDA ANG pasok ng taon sa Kapuso star na si Gwen Zamora, dahil nabigyan na naman siya ng panibagong project ng Kapuso Network hindi lang sa telebisyon, kundi pati na rin sa pelikula. Iyon nga lang, tila ma-lilinya ang kanyang byuti sa pagiging isang kontrabida.
Kadarating lang ni Gwen galing ng Korea, kung saan tumanggap siya ng award bilang Korea’s Model Star in Asia kasama ang ilan sa mga Kapuso star na pinarangalan din. Sinamahan naman sila ng mga GMA personnel na sina Ms. Yda Henares at Mr. Ronie Henares. Almost one week lang sila doon. Pagdating niya ay sabak na kaagad siya sa taping ng Bubble Gang at ng Biritera, ang bagong primetime show ng GMA-7 na eere na sa February 6 kapalit ng Munting Heredera.
Istariray na kontrabida ang role niya rito bilang si Iris, na may pagtatangi sa kanyang idolong si Andrei (Dennis Trillo), ang bida ng Biritera kapareha ni Glaiza de Castro as Mikaela. Para sa kanya, isang challenging role ang maging isang kontrabida. “Para naman nasusubukan ko rin ang iba pang klaseng role sa aking kakayahan bilang artista,” katuwiran ni Gwen.
Kontrabida pa rin ang kanyang role sa pelikula ng GMA Films na My Kontrabida Girl, na isang Valentine Presentation ng Kapuso na pagbibidahan naman nina Rhian Ramos at Aljur Abrenica. Third party siya sa buhay ng dalawang bida. Ngarag siya sa syuting nito dahil nga sa Valentine’s na ito i-palalabas.
Samantala, nalalapit nang ipalabas ang kanyang pelikulang ginawa sa Indonesia, ang The Witness. Hindi niya alam kung pupunta pa siya sa Indonesia para sa pagpo-promote at pagpapalabas ng movie sa iba’t ibang bansa sa Asia. Ang tiyak niya, mauuna itong ipalabas sa Pilipinas sa March 21 thru GMA Films, at magkakaroon pa raw ito ng premiere night.
Ganyan na po ka-busy ngayon si Gwen, dahil bukod pa rito ay may balak na pala siyang magbukas ng isang business. Ito ang tinatawag niyang Vintage Products. Parang ukay-ukay rin pero mas class naman kaysa pangkaraniwang mga ukay-ukay products ang maititinda nila. Kasosyo niya rito ang dalawa pa niyang elder sisters.