NAKABALIK NA NGA ang Kapuso star na si Gwen Zamora noon lamang nakaraang Biyernes mula Indonesia, kung saan siya gumawa ng dramatic action film na kanyang pinagbidahan. May jetlag pa ang dalaga ay sumabak na siya sa guesting kinabukasan sa Startalk.
Hinding hindi umano makakalimutan ni Gwen ang kanyang mga karanasan habang nasa Indonesia, lalo na ang kabaitan ng mga taga-roon at ang mga kasamahan niya sa paggawa ng pelikula.
“Para na rin kaming isang pamilya roon pagdating sa samahan. Wala akong naging problema sa kanila, wala akong masasabi pa,” wika ni Gwen.
Enjoy naman daw niya ang syuting kahit pa marami siyang hirap na dinanas, tulad na lang ng mga fighting scenes at mga stunts. Kahit praktis pa lang ay nagkapasa-pasa na ang kanyang katawan. Pinakamahirap umano niyang ginawa ay ang paglambitin sa ikalawang palapag ng gusali. Ang eksena ay habang nahuhulog siya na ginamitan naman ng harness. Pagdating naman daw sa madramang yugto ay halos bagyong iyakan ang nangyari.
Dahil may mga mahihirap na eksena, nakakadalawang linggo pa lang daw ng syuting ay nagkasakit na siya. Nilagnat at nanakit ang mga muscles sa hita. Inakala raw nila na na-Dengue siya, dahil na rin sa maraming lamok sa kanilang lokasyon. Ang ginamit umanong mansyon sa eksena ay pinamumugaran ng lamok. Tinawag nga raw nila itong mosquito mansion. Agad naman daw siyang nagamot sa ospital panandali, kaya kinabukasan ay tuloy pa rin ang syuting.
Halos walang naging restday, nagtuluy-tuloy ito at natapos ng isa at kalahating buwan. Na inakala niyang isang buwan lang dahil higit pa itong pinaganda. Madalas ay gabi ang kanilang mga eksena at sa araw ay nakakapagpahinga naman daw siya.
Nang matapos na ang syuting ay bumiyahe na rin siya pauwi ng ‘Pinas kasama si Ms. Lou Gopez ng GMA Artist Center. Na-miss daw niya ang pagkaing Pinoy. Wala raw kasi roong Pilipino food chain. Na-miss din niya ang kanyang pet dog na si Cholo, higit sa lahat ay ang taping sa Bubble Gang.
Mami-miss naman daw niya ang samahan nila sa Indonesia, ngunit makakasama naman daw niya ang mga ito kapag nagbalik siya roon para i-promote ang movie which is a joint venture ng GMA-7 at Skylark Pictures ng Indonesia. Posibleng showing nito ay next year, by January until March sa Indonesia at dito sa Pilipinas.