TAYO AY isa sa naanyayahan upang tunghayan ang pagbisita ng Presidente ng Kiribati sa Manila City Hall. Nakita natin doon si Manila Mayor Joseph Estrada at Cong. Toby Tiangco ng Navotas. Tamang-tama naman dahil adbokasiya ko rin naman ang magpaalala sa posibleng epekto ng global warming sa buong karagatan, kung papano dapat mapangalagaan. Maging ang Greenpeace ay isa ako sa sumusuporta upang ipagpatuloy ang kanilang pangangalaga sa buong karagatan at isa rin ako sa mga tumututol sa mga umaabuso sa ating kalikasan. Marahil napapanahon upang bigyan ng pansin natin ang ating daigdig. Lumulubha na ang sakit nito at ito ay laban na sa saling lahi ng tao; marahil sa kawalan natin ng interest sa pangangalaga rito.
Maging sa social media, isa ako sa mga nagpapaalala kung gaano tayo dapat maging responsable sa mga pangayayari sa ating Mother Earth o Inang Kalikasan. Sa ating bansa ay posibleng mangyari rin ito. Ang matulad sa naglalahong sibilisasyon ng Kiribati na unti-unti rin tayong lamunin ng karagatan dahil na rin sa pagbabago ng sistema nito.
Bagama’t sa aking sariling pananaliksik, hindi nalalayong maging waterworld ang daigdig katulad ng nangyari sa panahon ni Noah. Maaaring katawa-tawa ito sa mga hindi pa lubos nakauunawa sa ganitong konseptong paniniwala.
Ngunit para sa akin, mabuti na makapagbigay tayo ng mga impormasyon na maaaring makapadagdag ng kalaalaman sa lahat ang posibleng mga mangyari at tayo ay maging handa.
Tumungo rito si President Tong upang mapagpatibay ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Kiribati. Lalo na sa usapang fisheries, climate change at disaster preparedness.
Nang mga nakakaraang buwan, pinaigting ng Papua New Guinea ang mga kabawalan sa mga dayuhang kompanya sa karagatan ng Papua New Guinea. Ito ang nakaepekto sa operasyon ng mga fishing companies ng mga Pilipino doon. Kaya, kung papayagan ng Pamahalaan ng Kiribati ang Pilipinas na mangisda sa karagatan ng Kiribati, ang mga Philippine fishing companies ay aani ng pakinabang sa pangingisda sa pinakamalaking fishing ground sa Pacific, lalo na sa pangingisda ng mga tuna.
Si President Tong ay isa sa mga tagapagtaguyod ng kampanya sa Climate Change. Ipinaalam niya sa mundo ang posibilidad na ang Kiribati ay maaaring hindi na mapanirahan sa taong 2050; dahil sa pagtaas ng Sea level at Salination, kung saan kinakailangan ang relokasyon ng buong populasyon ng Kiribati sa ibang bansa. Maaring tawagin silang climate refugees. Kaya, isa sa mga plano ni President Tong ay magkaroon ang kanyang mga mamamayan ng mga job trainings at mga skilled jobs sa ibang bansa upang magkaroon ng malaking kapakinabangan sa lipunan.
Ang malaking kampanya ni Pres. Tong sa Disaster Preparedness ay may malaking kaugnayan sa kakayanan o kahinaan ng Kiribati sa climate change. Naniniwala siyang ang mga maliliit na bansa sa Pacific, kasama ang Kiribati, ay kinakailangang bigyan ng tulong sa pagharap sa malalaking pagsubok na dulot ng lindol, tsunami at bagyo. Kasama na din dito ang mabilis na pagtaas ng pagkain at langis, lalo na sa mga liblib na lugar at mga papaunlad pa lamang na mga bansa.
Mayroon humigit kumulang na 20 Pilipino sa Kiribati. Sila ay mga propesyonal at technical workers. Ang Kiribati ay isa sa pinakamahirap na bansa sa daigdig. Ilan lamang ang kanilang likas na yaman. Ang kanilang populasyon, ayon sa estimate noong 2010 ay nasa 103,500 lamang. Ngunit gumagawa ng hakbangin ang Presidente ng Kiribati upang mailigtas ang kanyang mga mamayan. Isa ang Pilipinas sa mga napili niyang bisitahin upang sakali na makipanaluyan ang iba niyang mamayan at mapag-iigting ang relasyon nila sa ating bansa.
Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.
E-email: [email protected] cp no. 09301457621
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia