Dear Atty. Acosta,
ANG AKING TIYAHIN ay kasal sa Tito ko ngunit hindi nare-histro sa National Statistics Office (NSO) ang kanilang kasal. Mayroon silang dalawang anak na ngayon ay nasa edad 36 at 37 at may sari-sariling pamilya na rin. Matagal na silang hiwalay at hindi nagbibigay ng sustento ang Tito ko. Nabalitaan nila na nagpa-kasal ang Tito ko nang tatlong beses matapos silang maghiwalay ng aking Tita.
Noong June 5, 2008 ay namatay ang Tito ko. Ang gusto po naming malaman ay kung may habol ba ang pamilya ng Tita ko sa ari-arian ng aking Tito, gayundin sa naiwang pension nito sa SSS. Sana ay matulungan n’yo ang aking tiyahin sa kanilang problema.
Lubos na gumagalang,– Baby
Dear Baby,
MAHALAGANG INSTITUSYON ANG pamilya sa ating bansa. Ito ang nagsisilbing pundasyon ng matatag na lipunan. Ngunit mayroong mga hindi inaasahang pagkakataon na naghihiwalay ang mga magulang at nakakalimot magbigay ng suporta ang ama o inang lumisan. Gayun pa man, ang ating batas ay nagbibigay ng proteksiyon sa karapatan ng legal na asawa at mga anak.
Tungkol sa karapatan ng iyong Tita sa ari-arian, kung totoong may kasalan na naganap sa pagitan nila ng iyong Tito at ito ay naaayon sa ating batas, siya ay may karapatan sa naiwang ari-arian ng kanyang namayapang asawa. Bilang legal na asawa, siya ay lehitimong tagapagmana. Siya at ang kanilang dalawang anak ang maghahati-hati sa nasabing ari-arian. Ayon sa Article 996 ng New Civil Code of the Philippines “If the widow or widower and legitimate children or descendants are left, the surviving spouse has in the succession the same share as that of each of the children.” Subalit kung hindi sila ikinasal, walang karapatan ang Tita mo na magmana ng nasabing ari-arian, maliban na lamang kung siya ay ginawang tagapagmana sa testamentong naiwan ng iyong Tito, kung meron man. Dapat din isaalang-alang kung ang iyong Tito ay nagkaroon ng anak sa mga sumunod niyang pinakasalan sapagkat ang mga hindi lehitimong anak ay may karapatan din na magmana sa kanilang magulang.
Higit pa rito, kailangan ding bigyan ng konsi-derasyon kung ang perang ginamit sa pagbili ng ari-arian ay mula lamang sa pondo ng iyong Tito. Sa ganitong sitwasyon, ang Tita mo at ang lehitimo at hindi lehitimong anak ang may karapatang magmana gaya ng nabanggit kanina. Ngunit, kung ang ari-arian ay binili sa tulong-pinansyal ng kanyang mga sumunod na asawa, kailangang maibigay ang bahagi sa asawa na nagbigay ng nasabing tulong.
Tungkol naman sa kung sino ang may karapatan sa pensyon mula sa Social Security System (SSS), ang Republic Act No. 8282 (Social Security Act of 1997) ang batas na sumasaklaw dito. Ayon sa Section 13 ng R.A. No. 8282 “Upon the death of a member who has paid at least thirty-six (36) monthly contributions prior to the semester of death, his primary beneficiaries shall be entitled to the monthly pensions: Provided, That if he has no primary beneficiaries, his secondary beneficiaries shall be entitled to a lump sum benefit equivalent to thirty-six (36) times the monthly pension. x x x” Base dito, ang mga taong maaaring maging primary beneficiaries ay ang mga sumusunod: “The dependent spouse until he or she remarries, the dependent legitimate, legitimated or legally adopted, and illegitimate children x x x” (Section 8 (k), R.A. No. 8282) Batay sa mga nabanggit, upang maging kuwalipikado sa pensyon ang asawa at anak, dapat sila ay “dependent”. Ang asawa ay itinuturing na dependent kung siya ay ang “legal spouse entitled by law to receive support from the member; x x x” (Section 8 (e) (1), R.A. No. 8282) Samakatuwid, ang iyong Tita ay may karapatan na makuha ang pensyon sa SSS kung mapapatunayan niya na siya ang legal na asawa at hindi pa siya nagpapakasal muli.
Sa parte naman ng iyong mga pinsan, hindi sila kuwalipikado na maging beneficiaries dahil lagpas na sila sa edad na nakasaad sa batas. Ayon sa Section 8 (e) ng R.A. No. 8282, ang kahulugan ng “dependent” na anak ay “(2) The legitimate, legitimated or legally adopted, and illegitimate child who is unmarried, not gainfully employed and has not reached twenty-one (21) years of age, or if over twenty-one (21) years of age, he is congenitally or while still a minor has been permanently incapacitated and incapable of self-support, physically or mentally; x x x” Dahil sa sila ay 36 at 37 anyos na, hindi na sila maaaring makinabang sa pensyon mula sa SSS.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta