Dear Chief Acosta,
PINAPATANONG PO ng tatay ko iyong tungkol sa lupa na ibinenta ng kanyang ama noong maliliit pa silang magkakapatid. Ano po kaya ang dapat nilang gawin? Pitong taong gulang pa lamang noon ang tatay ko noong ibenta ng kanyang ama ang lupa. Wala pong pirma silang magkakapatid ng tatay ko, pati na po ang nanay nila. Iyong tatay lang po kasi nila ang may kagustuhang ibenta ang lupa. Ngayon po ay ibi-nibenta na ng nakabili iyong lupa. Maaari pa po bang kuwestyunin ang nasabing bentahan at mabawi pa namin ang lupa?
Mary
Dear Mary,
UNA SA lahat, kung ang lupa na ibinenta ng iyong lolo (tatay ng tatay mo) ay solong pag-aari ng iyong lolo, ikinalulungkot naming ipaalam sa iyo na hindi na ninyo mababawi ang nasabing lupa. Ito ay sa kadahilanang bilang may-ari ng lupa, may karapatan siyang ibenta ito kailan man niya naisin nang walang pahintulot mula kanino.
Kung ang lupa naman ay pag-aari ng iyong lolo at lola, ibig sabihin nito ay conjugal property nila ang lupang ibinenta ng iyong lolo, sa pagkakataong ito, mahalagang malaman natin kung kailan naganap ang bentahan upang malaman natin kung maaari pang kuwestyunin ang nasabing bentahan.
Kung ang bentahan ay naganap bago ipasa ang Family Code of the Philippines o bago mag- Agosto 3, 1988, ang batas na iiral sa bentahang ginawa ng iyong lolo ay ang Civil Code of the Philippines. Ayon sa Article 166 ng Civil Code, hindi maaaring magbenta o magsanla ng ari-arian nilang mag-asawa (real property of the conjugal partnership) ang asawang lalaki nang walang pahintulot ang asawang babae. Kapag ginawa ito ng asawang lalaki, ang bentahan o sanglaan ay may bisa subalit maaaring kwestyunin ng asawang babae sa loob ng sampung taon lamang mula noong nagkabentahan o nagsanlaan sa pamamagitan ng pagsampa ng kasong Annulment of Contract. (Article 173, Civil Code)
Sa kabilang banda, kung ang bentahan ay nangyari noong naipasa na ang Family Code o pagkatapos ng Agosto 3, 1988, ang batas na iiral ay ang Article 124 ng Family Code na nagsasaad na:
“Article 124. x x x In the event that one spouse is incapacitated or otherwise unable to participate in the administration of the conjugal properties, the other spouse may assume sole powers of administration. These powers do not include the powers of disposition or encumbrance which must have the authority of the court or the written consent of the other spouse. In the absence of such authority or consent, the disposition or encumbrance shall be void. However, the transaction shall be construed as a continuing offer on the part of the consenting spouse and the third person, and may be perfected as a binding contract upon the acceptance by the other spouse or authorization by the court before the offer is withdrawn by either or both offerors.”
Sa pagkakataong ito, ang bentahan na ginawa ng asawa na walang pahintulot ng kanyang asawa ay walang bisa. (Spouses Antonio and Luzviminda Guiang vs. Court Of Appeals, G.R. No. 125172, June 26, 1998)
At dahil walang bisa ang nasabing bentahan, maaaring kuwestyunin ng asawang babae ang nasabing transaksyon kahit kailan alinsunod sa Article 1410 ng Civil Code na nagsasaad na:
“Art. 1410. The action and defense for the declaration of the inexistence of a contract does not prescribe.”
Sa mga nabanggit, maaari mo nang malaman kung maaari pang kuwestyunin ng iyong lola ang bentahan ng lupang ginawa ng iyong lolo depende sa sitwasyong mayroon sa iyong kaso.
Nawa ay nabigyang kasagutan namin ang inyong katanungan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta