NGAYON NA natin nararanasan ang balik ng kalikasang sinira ng mga tao at tayong mga Pilipino ay kasama sa pagsira nito. Ang mga malalakas na bagyo na tumatama sa atin ngayon ay hindi maitatanggi na epekto ang mga ito ng global warming. Ang malungkot dito ay ang Pilipinas ang isa sa mga bansang lubhang apektado ng global warming dahil sa topograpiyang posisyon natin sa mundo.
Ito na nga raw ang “new normal” kung tawagin. Kaya kailangan nating mag-adjust at sa pagbabagong ito ay kailangan din na gumawa tayo ng mga bagong eskima o paraan para maayos nating mahaharap ang mga delubyong dala ng kalikasan gaya ng bagyong Yolanda at hagupit ni Ruby.
Ang bagyong Yolanda na halos kumutil ng buhay na aabot sa 8,000 katao at marami pang hindi nakikita mula ngayon ay nag-iwan ng isang mapait na karanasan at leksyon sa ating lahat. Ngayon naman ay sinusukat ng hagupit ni Ruby ang ginawa nating paghahanda base sa karanasan natin kay Yolanda. Ang tanong ngayon ay kung sapat ba ang paghahanda natin? Tama ba ang adjustment na ginawa? Ginawa na ba ang lahat para sa paghahandang ito?
MAAARING SABIHIN na hindi kasing lakas ng bagyong Yolanda ang hagupit ni Ruby, ngunit si Ruby naman ay nagpakita ng mas malawak na galit sa Pilipinas dahil sa maraming beses nitong pag-landfall sa kalupaan ng Pilipinas. Mas maraming lugar ang kanyang rinagasa at mas malaking paghahanda ang ipinagawa ni Ruby sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ang bagyong Ruby ay hudyat na para ilagay natin sa ating isip na taun-taon ay daranasin natin ang ganitong kalakas na hagupit. Bukod pa sa lakas ay maraming lugar din ang kayang ragasain ng isang malakas na bagyo gaya ni Ruby. Kaya dapat na sikapin ng pamahalaan na mas maging handa at magkaroon ng kakayahang harapin ang ganitong kalalakas na bagyo.
Ang mangyayari sa atin ay paulit-ulit lang na pagbangon at pagbagsak kung hindi natin mahahanapan ng mas epektibong paraan ng paghahanda ang mga bagong epekto ng ating kalikasan. Hindi na tayo matatapos sa pagpapaayos ng mga nasirang istruktura, kabahayan, daan, tulay at iba pang mga sinira ng bagyo. Taun-taon ito mangyayari sa atin kung wala tayong gagawin. Taun-taon tayong babalutin sa takot kung hindi natin matututunang kontrolin ang mga epektong ito ng malalakas na bagong uri ng bagyo.
ANG DEPARTMENT of Science and Technology (DOST) ay dapat pakilusin ng pamahalaan para sikaping tuklasin ang mga bagong pamamaraan ng paghahanda sa mga bagong uri ng bagyo. Ang mga bansa sa buong mundo ay kani-kaniyang paraan ng pagtuklas sa bagong kalikasang mayroon tayong dala ng climate change. Pinagbubuhusan nila ng pondo at panahon ang bagay na ito dahil alam nila ang bantang dulot ng climate change sa buhay ng tao.
Dapat nang pagtuunan ng Senado at Kongreso ang pagsasagawa ng mga batas na nauugnay sa climate change at paghahandang dapat ginagawa ng bansa taun-taon para sa mga bagyong ito. Dapat seryosohin ang problemang ito ng mga mambabatas natin at kalimutan muna ang pamumulitika. Dapat ay makakita na tayo ng mga kongkretong hakbang at proyekto ng gobyerno na nauugnay sa climate change at mga paghahanda sa bagyo.
Ang delubyong dulot ng mga bagyong ito ay nauugnay sa dinaranas nating climate change at matagal na nating alam ito. Ang problema ay dumadaan lamang sa isip natin ang lahat ngunit hindi tayo gumagawa ng mga kongretong hakbang para rito. Tila nauunawaan natin ang problema ngunit hindi naman tayo kumikilos para ayusin ito.
ANG MGA malalaking bansa gaya ng China at U.S. ang pangunahing nagpapalala sa problema ng climate change dahil sa kanilang teknoohiya. Kaya nararapat lang na malaki ang maging bahagi nila sa pagtulong sa mga bansang lubos na apektado ng epekto ng climate change. Marapat lang na gumawa rin sila ng malaking hakbang at solusyon para sa problemang ito.
Ngunit maging tayong mga ordinaryong mamamayan ay dapat gumagawa na ating kontribusyon, partikular sa pagpapababa ng tinatawag na carbon footprint. Sa ating pang-araw-araw na gawain gaya ng pagpasok sa eskuwela at trabaho ay nag-aambag tayo sa carbon footprint. Ang mga usok ng ating sasakyan, balat na plastic ng candy at iba pang ginagamit natin sa araw-araw ay mga sanhi ng carbon footprint na nagpapalala sa problemang climate change.
Kung babawasan natin ang paggamit sa mga ito ay malaking bagay ito para mapabagal ang pagkasira ng ating kalikasan. Malaking kabawasan ito sa carbon footprint kung ang bawat isa sa atin ay paminsan-minsan ay huwag gumamit ng sasakyan o ‘di kaya ay mag-car pool. Hikayatin natin ang bawat isa na huwag nang gumamit ng plastic sa pamimili sa mall. Tangkilikin natin ang mga programa nilang nagpapagamit ng mga reusable bags na gawa sa biodegradable materials.
ANG PAGBIBISIKLETA ay mainam din na makapagbawas ng carbon footprint at napananatili pa nitong maganda ang ating kalusugan. Dapat siguro ay pursigihin pa ng MMDA ang ginagawa nilang mga bike lanes para mas maraming mga manggagawa ang gumamit ng bisikleta papasok sa kanilang trabaho araw-araw.
Ang problemang bagyo ay problemang pangkalikasan. Hindi totoo na hindi ito maiiwasan dahil tayo ang dahilan ng pagkasira ng kalikasan, na ngayon ay nagdudulot ng malalakas na bagyo. Nasa kamay natin ang sagot sa problema. Tandaan natin na ang pagsisisi ay laging nasa huli.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo