WALANG KADUDA-DUDA. Towering ang legal expertise at karanasan ng defense lead legal panel, Serafin Cuevas sa impeachment trial ni CJ Renato Corona. Pagsama-samahin man lahat ang legal minds ng prosecution, sisiw sila. Parang trumpong pinaiikot sila ng retired justice. Ngunit sa kasamaang palad, ang maraming objections ni Cuevas ay lalong nagpapabagal sa trial.
Bravo! Excellente! Performance ni Cuevas. At sa kanyang pahayag sa media, siya man ay believe na believe sa kanyang sarili at galing.
Ngunit may obserbasyon tayong paabot kay Cuevas. ‘Di na iilan ang naiinis sa grandstanding niya. May kayabangan daw. Parang laging nagle-lecture. Ginawa na niyang law school ang impeachment trial. Kadire! Sambit nila.
‘Di ako kani-kanino, subalit sang-ayon ako. ‘Di legal grandstanding ni Cuevas ang magpapanalo sa kaso ni Corona. Wise discernment at common sense ng senator-judges ang susi. Karamihan sa kanila pissed off na kay Cuevas.
Maaaring mali ako. Maaari ring tama. Kaya ma-kabubuti na huminto na lang ako sa pagtutok sa trial. Wika nga ng maraming na-interview na ordinaryong mamamayan sa isang TV channel. Lahat-lahat sa kanila, kawatan. Tama na ang trial. Ay, si Corona, koronang tinik ‘yan. Alila ni GMA. Alang mangyayari d’yan. Mahirap din kami habang buhay.
Naku, hingi ako ng paumanhin kay Cuevas. Matalik kaming magkaibigan at magkasama sa gabinete ni dating Pangulong Erap. Ngunit mauunawaan niya ako bilang isang mamamahayag.
Subalit hirit pa ako ng isang tanong sa kanya: Yung hairdo mo, Justice, sinong nag-aayos? Hairdresser mo ba ang isa sa mga three stooges? Hik, hik, hik.
SAMUT-SAMOT
NAKARAANG DALAWANG buwan, anim na love birds ang namatay sa aking aviary. Natagpuang ko na lang silang kinakain ng langgam at langaw. Takbo muli ako sa Cartimar para palitan. Subalit pagkatapos, nagmuni-muni ako. Baka sila ang kapalit ng tatlo kong kaibigang nakaligtas sa malubhang karamdaman kamakailan. Supertitious na isip subalit puwedeng paniwalaan.
KABAG. ITO ang discomfort kasama ng aging. Halos araw-araw, alipin ako ng sakit. Labis na hangin sa tiyan dala ng pagkaing mamantika at maaasim. ‘Pag minsan, namimilipit ako sa sakit. Hanging umiikot sa tiyan, dibdib at likod. Kalimitan walang silbi ang mga antacids. Sabi ng doktor, pagkaalis ng aking gallbladder ang dahilan. Wala na akong panunaw. At pinalubha pa ito ng aking ‘di kontroladong diabetes. Kung ano mang mangyari, please omit flowers.
NU’NG AKING kabataan, alak at matatabang pulutan ang gawi halos gabi-gabi. Buhay ito ng mga mamamahayag. Bukod sa sigarilyo, puyat pa araw-araw. Takot sa medical check-up kaya lumala nang lumala. Panalangin ko lang, mabilis na pagpanaw. Lahat naman, diyan ang patungo. Kung kailan at paano, Diyos lamang ang nakakaalam.
BIRO MO, 16 years old na ang mahal kong apong si Anton. Parang kailan ko lang siya kinakarga at dinadala sa mga malls. Parang kisap-mata, binatilyo na, mataas, malusog at ehem, nagmana sa lolo sa pagka-guwapo. Second year high school siya sa Ateneo de Manila. Laging tutok sa computer at pag-aaral. Tinanong ko siya minsan: anong propesyon mo paglaki? Journalist kagaya ko? Pabiro niyang sagot: “Ayoko lolo, baka lagi ring sumakit ang tiyan ko.”
‘DI MO na alam kung may rainy or summer months pa ngayon. Karambola na ang klima dahil sa climate change. Gumaganti ang kalikasan sa ating pag-aabuso at kapabayaan. Buong mundo, sinasalanta ng baha at iba pang kalamidad. Ang Mindanao, paborito ngayong dalawin ng bagyo. Dapat matutong mag-alaga sa kalikasan ang mga susunod na henerasyon.
TAOS-PUSONG PASASALAMAT sa Phoenix Publishing House sa walang sawang pagtulong sa aking streetchildren feeding program tuwing Linggo. Mga ibang donors ay umatras na ngunit sa tulong ng Diyos, maipagpapatuloy pa ang proyekto. Mahigit 100 streetchildren ang aming pinakakain sa Katipunan Ave., Libis, at sa Greenhills. Kulang-kulang na dalawang dekada na ang proyekto. Bukod dito, nagkaroon pa tayo ng scholarship program sa mahihirap na mag-aaral at tulong ng amot at salapi sa mga indigents sa ospital. Good karma. Ang makataong gawaing ito ay nagdudulot sa buhay ng ganitong biyaya. Ang Poong Maykapal ang gumaganti. Sana’y mga dating donors ay samahan kaming muli. Dagsa-dagsang mahihirap ang nangangailangan ng pagmamalasakit sa ating kapaligiran.
HANGGANG NGAYON, nagpupuyos pa ang loob ko sa tila untouchable na mga sindikato na ginagamit ang mga may kapansanang pulubi sa pagpapalimos sa lansangan. Demonyong sindikato at higit na demonyo ang mga grupong nagkakanlong sa kanila. Wala bang magawa ang DSWD at kapulisan? Nasaan ang pagmamalasakit ng Simbahan? Nakakahabag ang kalagayan ng kawawang nilalang. Tulungan natin sila.
NAPABALITA NA mahigit 1,600 bahay ang sinisimulang itayo ng DSWD at Habitat International sa Iligan at Cagayan de Oro cities. Mabilis na aksyon ng pamahalaan at private sector. Subalit dapat tutukan ang sanhi ng pagbabaha sa mga lugar. ‘Di kaila ang rampant illegal logging at deforestation sa mga lugar na ito. ‘Wag tayong ningas-kugon. Ito ang sakit ng Pinoy.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez