Haka-Haka Lang ni Rep. Briones ang Pork Smuggling

NAPATUNAYAN NATIN, parekoy, na imbento lang pala ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) party-list Rep. Nicanor Briones ang “ikinakyawkyaw” niyang nangyayari umanong pork smuggling sa bansa.

Sa halip, ang ginagawang pag-iingay na ito ng kaapelyido ko, hehehe, ay bahagi lamang ng kanyang propaganda ‘pagkat batid naman nating lahat na halalan na sa susunod na taon.

Ngunit kung tutuusin, matagal pa ang eleksiyon para itong ating mga mambabatas ay magpapogi na sa publiko.

Sandamakmak kasi ngayon ang party-list na nakalista sa Comelec para lumahok sa 2013 polls at isa itong AGAP sa posibleng hindi na palarin.

Nakapagdududa na mismo kasi itong mga nasa agri sector na wala pang konkretong nagagawa para sa kanilang kapakanan si Rep. Briones simula nang tulungan nilang maluklok sa Kongreso.

Aba’y paano ba naman kasi, pulos “kyawkyaw” at pag-iingay lang sa media ang ginagawa ni Briones imbes na lumikha ng batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung talagang nais niya na matigil na ang meat importation sa bayan nating minamahal.

Bukod sa paglikha ng batas na magbabawal sa pagpasok ng mga karne, sa halip mang-urot ng pork at market holiday eh, manawagan siya sa mga feeds producer o supplier na magbaba ng kanilang mga presyo. Umiiyak na ang maraming hog raisers sa taas ng presyo ng pagkain para sa mga baboy. Dahilan ito kaya mataas din ang presyo ng karne sa mga palengke.

Kaya naman ang ilang hog raisers, nababanas na kay Rep. Briones. Wala pa talaga siyang (Briones) naitutulong sa kanila. Wala pa siyang nagagawa.

Kung bakit naman natin nasabing haka-haka lang ni Briones ang sinasabi niyang talamak na pork smuggling eh, wala naman talagang nangyayaring pork smuggling.

Matatandaang kinokondena ng mambabatas na ito ang Bureau of Customs (BOC) dahil hindi raw nito masawata ang naturang iligal na aktibidad.

Taliwas sa ipinangangalandakan ng mambubutas… este, mambabatas pala, ang BOC ay may “secondary role” lang pagdating sa importation ng meat.

Ang BOC lamang ang tumitiyak kung ang imported meat (poultry, pork, beef at iba pang meat products) ay nakatutugon sa patakaran ng ating gobyerno na ang bawat produktong dumarating sa bansa ay nasa tamang kalidad, kantidad o dami at kuwalipikasyon.

Ang BOC ang nagpoproseso ng dokumentasyon upang siguruhin kung ang documentary requirements ay nasusunod ng meat importers, nagbubusisi sa duties at taxes base sa klasipikasyon ng produkto at siyang taga-release ng shipment batay sa worldwide standards ng trade facilitation.

Pero bago pa ito, ang anumang importation process via Customs Clearance procedures ay sinasaksihan ng mga representatives mula sa Department of Agriculture (DA), Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS).

Ang masusing pagbusisi sa imported meat ay nakabatay sa administrative order No. 26 ng DA para sa istriktong regulasyon sa meat products importation, sa pagpoproseso ng rekisitos hanggang sa likidasyon nito.

Kaya nga paano makalulusot ang smuggling ng meat products kung ang proseso bago pa ito makalabas sa bakuran ng BOC ay dumadaan sa mahigpit na pagbusisi ng mga ahensiyang silang unang-unang may responsibilidad sa sinasabing problema.

Hindi naman siguro makapapayag ang DA, ang BAI at ang NMIS na ang mga pumapasok na karne sa bansa at kinakain ng marami nating kababayan ay hindi ligtas para sa ating kalusugan.

Ang BAI ang may key role para siguruhin ang quality at estado ng meat products at pagkatapos ay binubusisi pa rin ito ng mga taga-DA at NMIS.

Ibig sabihin lang, kung dumadaan ang imported meat products sa tamang proseso na ipinatutupad ng BOC, DA, BAI at NMIS, walang katotohanan ang ipinagkakalat ni Rep. Briones na may nagaganap na pork smuggling!

Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleEconomic Sabotage Dahil sa Illegal Recruitment
Next articleDenarius, Moolah at Salapi

No posts to display