MATATANDAAN NA gumawa ako ng artikulo kung saan naroon ang mga kakaibang pamamaraan sa pagdaos ng Halloween maliban sa mga tipikal na Trick or Treat at pagbabahagi ng kuwentong katatakutan. Kabilang dito ang kauna-unahang Halloween Haunts Scream Park Manila.
Tulad na nga ng nabanggit ko sa aking artikulo, hindi ito ‘yung tipikal na haunted house na gusto nating puntahan at magtakutan, dahil bilang kauna-unahan itong gagawin sa bansa, walang makapagsasabi kung ano nga ba ang saktong ipadarama sa iyo ng event na ito! Pero dahil sa unang beses itong gagawin sa bansa at idinisenyo pa ito ng US-based creative director na si David Willis, mukhang, kakaiba at nakapananabik ito! Ang Holloween theme park ding ito ay ginawa para talaga sa mga Pinoy.
Kaya nga lang, naturingang Halloween Haunts ito, hindi sila nakapagbukas noong ika-31 ng Oktubre. At naurong pa ang pagbubukas nito sa ika-30 pa ng Nobyembre. Sa tingin n’yo ba kapana-panabik pa rin ito? Mukhang marami na rin ang nawalan ng ganang sumali rito dahil nga sa napakatagal na pagbubukas nito at tapos na rin ang Halloween spirit.
Ayon nga sa mga komento na nababasa ko sa kanilang Facebook page, marami ang nadismaya sa pag-urong ng pagbubukas. Saan daw tayo makakakita ng nagtatakutan sa kasagsagan ng Christmas season? Ang ilan pa sa kanila ay nagsabi na “Tapos na Halloween next year na lang kayo magbukas.” Ang iba, naiinis pa dahil sa tagal ng ‘di pagsagot sa kanilang mga katanungan. Malaking pressure din ito para sa organizers ng Halloween Haunts Scream Park Manila dahil mataas na ang expectations ng karamihan sa mga bagets na nakabili na ng tickets noon pa lang. Sabi sa isang komento, bukod sa pagbabahagi ng kanyang pagkadismaya, binanggit rin niya na “I paid for the tix and might go as well, hoping it’s worth the money and the wait!”
Hindi natin masisisi kung bakit ganito na lang ang naging tugon ng mga bagets na nakabili na ng tickets. Pagkatapos nga naman nila itong paghandaan, bigla na lang hindi matutuloy. Pero mas hindi natin masisisi ang organizers ng Scream Park Manila kung bakit sila nagdesisyon ng pag-urong ng pagbubukas ng Halloween theme park na ito. Kabilang sa dahilan na ito ay ang paparating na bagyong si Yolanda. Dahil nga nakitang napakalakas nitong bagyo na ito na kahit hindi sentro nito ang Maynila, matatamaan pa rin ito. Kaya minabuti na lang ng organizers na ipagpaliban ang pagbubukas nito para sa kaligtasan ng lahat. Iniiwasan lamang nila ang mga aksidente na maaaring mangyari kung tinuloy ito habang may bagyo.
Kaya mga bagets, chill lang. Mukang katanggap-tanggap naman ang rason nila, ‘di ba? Inuuna nila ang kaligtasan n’yo! Ang maganda pa rito, sa pagbubukas nito sa darating na katapusan, hindi na lang pananakot ang intensyon nila. At hindi lang saya at kilabot ang makukuha n’yo kundi makatutulong pa kayo! Bakit? Dahil may porsiyento mula sa mga benta ng tickets ay mapupunta sa nasalanta ng lindol sa Bohol at bagyo sa Visayas. O, ‘di ba? Isipin na lang natin na nagkaroon ng mabuting dulot din ang pagkakaantala ng Halloween Scream Park Manila.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo