MATITIGAS AT gawa sa bakal na upuan, masisikip na terminal at kulang sa pahingahan ang mga pangunahing dahilan kung bakit naitala na naman ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bilang pinakapangit na terminal, walang malasakit sa mananakay at hindi ligtas na airport sa buong mundo.
Idagdag pa natin ang mga mali-mali at hindi politically correct na signages sa terminal, kawalan ng 24 oras na makakainan at overpriced na paninda, kawalan ng pampalipas oras para sa mga pasaherong naghihintay, maruruming sahig at palikuran, masusungit na kawani ng paliparan, pangingikil at maanomalyang transaksyon, at mga polisiyang hindi makatao para sa mga pasahero.
Lahat ng mga nabanggit dito ay totoo at hindi ito maitatanggi ng mga nakagamit na ng NAIA Terminal 1.
Katunayan, nakalulungkot talaga tuwing aalis ka ng bansa at maikukumpara mo ang airport natin sa mga airport na bababaan mo sa ibang bansa, katulad ng sa Singapore at Hong Kong. May kasama ring insulto at panlilibak kadalasan ang mga maririnig mo sa mga kasabay mong nagbiyahe, maging dayuhan man o Pilipino.
Ang problema ay mukhang nagbubulag-bulagan o ‘di kaya’y lumalabas lamang sa kabilang tenga ng mga kinauukulan ang ganitong mga puna at kritisismo. Mas gusto yata nilang magpalusot at ipagtanggol ang kanilang mga palpak na trabaho imbes na tugunan ang mga problema sa paliparan.
ANG EBALWASYON ng “Guide to Sleeping in Airports” ay galing mismo sa mga sagot at ratings ng mga biyahero na nagpapalipas ng mga gabi at natutulog sa iba’t ibang paliparan sa buong mundo. Ito ang website na naglabas ng rating ng NAIA nitong October 15. Binigyang-pansin ng website ang comfort, convenience, kalinisan at customer service.
Hindi naman naniniwala sa pagiging balido ng rating na ito si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Honrado. Ayon sa kanya, kinopya lamang ang report na ito sa dati nang lumabas na report.
Ayon naman kay NAIA Terminal 1 Manager Dante Basanta, ang mga toilet sa terminal ay maikukumpara na sa mga five star hotels pagkatapos ng ginawang renovation dito dahil na rin sa nauna nang paglalagay sa paliparan bilang worst airport sa buong noong 2012.
Dagdag pa ni Basanta na mayroong marerentahang “day room” ang mga biyahero sa halagang $18 sa isang araw.
Maaaring nagpatupad nga ng rehabilitasyon ang MIAA at NAIA para pagandahin ang nabubulok na NAIA terminal, ngunit ang tanong ay matino ba ang naging rehabilitasyon na ito? Simple lang naman ang logic dito. Kung matino ang rehabilitasyong ginawa, bakit tumanggap pa rin ito ng rating na #1 worst airport sa mundo?
Hindi ko rin alam kung ano ang ibig sabihin ni Basanta sa mala-hotel na bagong toilets sa Terminal 1. Mukhang hindi naman ito totoo sa panlasa ng mga pasahero. Hindi rin naman pinag-uusapan kung may mga “day room” na marerentahan. Ang sentro ng reklamo ay walang matinong mapagpapahingahan nang libre ang mga pasaherong nagtitipid at walang pambayad sa hotel o “day room”.
ANG NAIA ay nakatakdang isailalim sa isang P1.5 billion major rehabilitation sa December bilang preparasyon para sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation leaders’ summit sa November 2015.
Sana sa pagkakataong ito ay maging maganda at katanggap-tangap sa mga pasaherong Pilipino at banyaga ang pagbabagong gagawin sa NAIA 1. Sana ay gamitin nang matino ang pondong inilaan dito.
Ang paliparan ang unang nakikitang impresyon ng mga turista sa bansa kaya dapat lang na maging maayos ito.
Shooting Range
Raffy Tulfo