SA HULING survey na lumabas para sa nangungunang kandidato sa pagkapangulo ay makikitang patuloy na dumausdos ang rating ni VP Jejomar Binay subalit nananatili siyang nangunguna pa rin sa karera ng pagkapangulo. Mababanaag naman ang patuloy na pagtaas ng survey rating ni Senator Grace Poe na pumapangalawa kay VP Binay. Kung magpapatuloy ang trending ng pagtaas at pagbaba ng mga surveys nina Poe at Binay, sa pagpasok ng unang quarter ng taong 2015 ay hindi kataka-taka na manguna na si Poe sa survey. Ito ang analysis ng mga eksperto.
Ang malaking katanungan ngayon ay kung handa na ba si Senator Grace Poe? Ang tanong na ito ay maraming kahulugan. Maaaring tinatanong dito kung handa na ba siya sa pressure ng pagtanggi sa pagtakbo sa pagkapangulo mula sa mga tao sa kanyang tabi, mga supporter at maging ang taong bayan kung talagang siya ang isinisigaw ng mga nakararaming Pilipino.
Mahirap tanggihan ang pressure na ito dahil bilang isang senador ay bahagi ng kanyang tungkulin ang magsilbi sa taong bayan bilang isang lider. Ang isang public servant na tumatanggi sa hiling ng mga mamamayan upang ito ay mamuno para sa bayan ay maaaring tingnan na pagtataksil sa kanyang tungkulin bilang isang lingkod-bayan. Maaaring nakikita rin ni Sen. Poe ang ganitong kaisipan dahil siya ay matalino. Ngayon ay papaano niya matatanggihan ang ganitong pressure para siya ay tumakbo sa pagka-presidente sa 2016?
AYON SA mga Greek Philosophers na sina Socrates at Plato, ang tunay na katangian ng isang lider ay ang paglayo at pag-ayaw nito sa kapangyarihan. Ang mga tao ang magbibigay ng obligasyon sa kanya para gawin niya ang gampanin ng isang pinuno. Sa ganitong kaisipan ay masasala ang mga taong gustong maging lider dahil sa pagkasilaw sa kapangyarihan lamang mula sa mga taong gustong maging lider dahil sa tunay siyang lingkod bayan na tatayo bilang pinuno dahil sumusunod lamang siya sa gusto ng taong bayan na kanyang pinamumunuan. Hindi kapangyarihan ang ginugusto ng isang tunay na lider kundi ang kapakanan lamang ng taong bayan.
Kung ikukumpara si Poe sa ibang mga nagbabalak kumandidato para sa pagkapangulo ay maliwanag na siya ang tunay na lider na tinutukoy nila Socrates at Plato. Maraming beses na kasing ipinakita niya ang pagtanggi sa pagtakbo. Hindi rin naman maliwanag na ipinahahayag niya ang kanyang kawalang kahandaan sa pagkapangulo, bagkus ay itinuturing lang niyang hindi pa panahon at wala pa sa isip niya ang posisyong ito. Marami rin umano siyang gustong magawa bilang isang senador.
Dito papasok ang isa pang kahulugan ng tanong na handa na ba si Poe? Ang pagiging pangulo ng isang bansa ay hindi madaling gampanan dahil buhay ng sambayanang Pilipino ang nakasalalay rito. Para sa isang matuwid at matalinong tao ay nauunawaan niya ang bigat ng responsibilidad na ito at nalalaman niya ang hangganan ng kanyang kakayahan. Maaaring sa ganitong aspeto ng pagiging pangulo nagdadalawang-isip si Poe.
ANG ISA pang maaaring tanong ay para naman sa mga mamamayang Pilipino. Handa na ba tayo sa ikatlong pangulong babae kung magkakataon? Tila nasasanay na ang mga Pilipino na kilalanin ang kakayahan ng mga kababaihan lalo na sa larangan ng politika at pagiging lider ng bansa. Hindi na isyu ang mga babae sa politika dahil hindi na nalalayo ang dami ng mga babaeng naglilingkod bilang isang lider ng bansa o bahagi ng pamahalaan.
Noong panahon mula kina President Manuel Roxas hanggang kay Pangulong Ferdinand Marcos ay halos mga lalaki ang bahagi ng gabinete ng pangulo. Ngayon ay tila hindi na binibigyang isyu ang pagkakaroon ng babaeng gabinete. Magandang senyales ito ng pagiging maunlad ng ating lipunan pagdating sa isyu ng gender equality. Kaya naman hindi kataka-taka na sa darating pang mga eleksyon ay magkakaroon tayo ng maraming pangulo na nagmumula sa sektor ng mga kababaihan.
Bukod sa mas marami ang isinisilang na sanggol na babae rito sa Pilipinas, mas marami na rin ang mga babaeng nasa kolehiyo ayon sa isang survey. Mas marami na ang mga babaeng nagtatapos ng isang bachelor’s degree at nagtatrabaho bilang mga professionals sa mga malalaking kumpanya. Ang lahat ng ito ay salik na naghahanda sa mga Pilipino para maging laging bukas sa isang babaeng pangulo.
ANG PILIPINAS ay matagal nang uhaw sa isang tunay na lider. Sa pagtatapos ng termino ng isang pangulo ay lagi tayong nangangarap na sana ay mas mahusay, mas matapat at mas makatao ang susunod na maihahalal. Kung si Senator Grace Poe nga ang lider na hinahantay ng maraming Pilipino, maibibigay niya kaya ang labang ito?
Si Senator Miriam Defensor-Santiago ay bukas na ang isip na tumakbo sa 2016 presidential race. Iniisip niya na kailangan siyang tumakbo muli dahil tila walang karapat-dapat sa mga politikong nagbabalak tumakbo. Ang probelema lang dito ay ang kanyang sinasabing sakit. Handa ba ang tao para kay Sen. Miriam Defensor-Santiago na may sakit ayon na rin sa kanya mismo?
Ang huling tanong ay may kinalaman dito, kung sakaling tanggapin na ni Poe ang hamon ng pagkapangulo ay handa na ba siyang harapin si Senator Miriam Defensor-Santiago sa laban? Sa labanang ito, alam na natin kung sino ang bida at kontra-bida, kung sino ang Panday at kalaban ni Panday.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo