BAGUHAN PA lang ang kapatid ko sa trabaho niya sa Saudi. Ang layo ng bahay niyang pinagtatrabahuhan. Mula sa embassy natin dito ay halos 200 kilometro. Minsan ay may nais siyang itanong sa mga tauhan ng ating embahada kaya’t nagpasya siyang magpunta roon. Wala siyang makuhang ibang sasakyan kaya’t nag-taxi na lang siya. Kamalas-malasan, luku-luko ang driver ng nasakyan niyang taxi. Kung saan-saan siya idinaan, nagpasikut-sikot para mapalaki ang pamasahe niya. Dahil dito, ang ginastos niya sa taxi ay halos katumbas ng isang buwang suweldo niya. Ang inireklamo pa naman niya sa embassy ay ang ‘di pagpapasahod sa kanya ng amo niya. Wala kayang magagawang sistema ang ating gobyerno para mabawasan naman ang ganitong kalbaryo na dinaranas ng ating mga kababayan sa ibang bansa? — Dionisio ng Tagkawayan, Quezon
ANG MAAARING gawin diyan ng ating pamahalaan ay mamahagi ng polyeto o handbook sa bawat bumibiyaheng OFW. Sa handbook na ito, nandoon ang mga sagot sa mga pangkaraniwang tanong ng ating mga OFW — tungkol sa suweldo, trato, atbp. Maaari ring ilagay rito ang mga probisyon ng batas tungkol sa remittance at iba pang isinasaad ng Magna Carta for OFW. Gayundin, kailangang nandoon din ang mga telephone number sa abroad at dito na maaaring tawagan ng OFW o kanilang pamilya sa oras ng emergency.
Liban pa rito, maganda ring umiikut-ikot ang mga tauhan ng embahada o konsulada sa mga lugar na tinitirhan o pinagtatrabahuhan ng mga OFW. Kung talagang kulang ang kanialng mga tauhan, mahalagang makaugnay ng ating pamahalaan ang mga NGO o iba pang samahan ng mga OFW.
Sa pamamagitan nito, baka may mga problema o isyu na hindi na gaanong kalaki na ‘di na kailangan pang personal na ipagsadya ng OFW sa mga konsulada o embahada.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo