Hanep!

HABANG PAPALAPIT na ang eleksyon, kapansin-pansin ang mga nagsulputang pangalan na gustong maging pulitiko o mga pulitiko na gusto pa ring manatili sa matagal na nilang puwesto. Sa dami nila, nalilito tuloy ang maraming Pilipino kung alin sa kanila ang karapat-dapat na iboto.

Ganito rin ang pananaw ni Arvin, kumpare kong waiter sa isang KTV club. Nang magkita kami kamakailan, nasabi niya sa akin na interesado siya sa mga kakandidato sa pagkasenador sa papalapit na 2013 elections. Pero sa dami raw nila, nalilito siya kung sinu-sino sa mga ito ang ilalagay niya sa kanyang balota.

Sinabi ko sa kanya na marami nga ang kakandidato ngunit marami rin sa kanila ang maaari niyang iboto. Pinaalala ko sa kanya na labing dalawa ang puwede niyang ilista sa kanyang balota.

Ang sagot niya, “Oo nga pare, pero ‘di bale nang ‘di ko punuin ng labing dalawang kandidato ang aking

balota at maglalagay lang ako ng isa, na alam ko na makakatulong sa aming mahihirap, kesa naman pi-pilitin kong maglagay ng labing dalawa at marami sa kanila ay magpakasasa lamang sa puwesto”.

Tinanong ko siya kung sino sa mga kumakandidato sa pagkasenador ang nakakasiguro sa kanyang boto. Walang pag-alinlangan na sinabi niyang si Congresswoman Cynthia Villar. At bakit naman? Mabilis kong tinanong sa kanya. “Ang nakababata kong kapatid na babae kasi, pati na ang aking tiyahin at pinsan na mga OFW ay natulungan noon ng kanyang mister (Senator Manny Villar) na mapauwi rito sa Pilipinas,” ang kanyang agad na sinagot.

Pero hindi lamang sa dahil natulungan ni Senator Manny Villar ang kanyang mga kamag-anak kaya niya iboboto si Congresswoman Cynthia Villar sa Senado kundi dahil na rin sa mga kawang-gawa ni Mrs. Villar partikular na sa Villar Foundation, ayon pa sa kanya.

TULAD NI Arvin, malaki ang paghanga ko kay Mrs. Cynthia Villar dahil sa Villar Foundation na talaga namang marami sa ating kapus-palad na kababayan sampu ng kanilang pamilya ay naiahon sa lugmok na kahirapan at nabigyan ng pag-asa sa pamamagitan ng trabahong naipagkakaloob sa kanila ng Villar Foundation.

Ang dagdag pang kabutihan sa Villar Foundation ay malaki ang naitutulong din nito sa ating kalikasan. Ang mga bagay na itinuturing ng salot at basura – tulad ng water lily, ay nagagawang kapaki-pakinabangan. Ginagawa itong mga furniture. Dahil dito, marami ang nabibigyan ng kabuhayan.

Maraming mga nagagawang furniture mula rito tulad ng mga mesa, silya, nightstand, etc. ang Villar Foundation nang walang pinuputol na kahoy. Ngunit hindi lamang ang mga kasapi ng Foundation ang kumikita sa kabuhayang ito kundi maging ang mga miyembro ng komunidad na siyang pumupulot ng mga water lily para ibenta sa Foundation.  Pinagkakakitaan na ang pagpulot sa mga basurang ito, nalilinis pa ang ating kalikasan. Talagang tumutugma sa slogan ng Foundation na “Hanepbuhay”.

Minsan ko nang personal na nakaharap si Mrs. Cynthia Villar nang paunlakan niya ang aking paanyaya na bumisita sa Radyo5 para aking ma-interview sa programang Wanted Sa Radyo. Namangha ako nang siya’y aking makaharap.  Napakasimple niyang tao, simple niyang manamit at walang garbo sa katawan – ‘di mo aakalain na isa siyang bilyonarya. ‘Di mag-aalinlangan ang mga maliliit nating kababayan na siya’y lapitan. Pero sa kanyang pagkilos, pananalita, tindig at pagdadala ng sarili, bakas ang anyo ng isang Imakuladang kagalang-galang na ginang.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleParazzi Tawanan 01/25/03
Next articleMaricel Soriano, dapat tanggaping palaos na siya

No posts to display