NAKAKALOKA! PAGKATAPOS hiranging National Artist nina Carlo J. Caparas, Cecile Guidote-Alvarez, Francisco Manosa at icon fashion designer Pitoy Moreno noong 2009, ‘eto ngayon, binabawi sa kanila ang naturang award. Nagdesisyon ang Supreme Court na walang saysay ‘yung Presidential Order sa pagiging National Artist ng mga nabanggit na pangalan.
Hindi itinago ni Direk Carlo J. ang galit kay NCCA Commissioner Virgilio Almario nang ma-interview ito ng TV Patrol. Nagkasagutan pala ang dalawa nang magkaharap ito.
Say ni Caparas,“Sino ang nakakakilala sa ‘yo, Almario? National Artist ako sa puso nang mamamayan dahil hanggang ngayon tinatangkilik nila ang trabaho ko.”
Nagpakatotoo lang si Direk Carlo J. sa mga binitawan niyang salita. Napakasakit sa isang artist tulad ni Caparas na pagkatapos ipagkaloob sa ‘yo ang pagiging National Artist, bigla na lang ito babawiin sa ‘yo.
Paliwanag ni Almario, “Hindi sila pumasa sa deliberasyon, pero hinirang pa rin silang National Artist ng dating Pangulong Gloria Macapacal-Arroyo.”
Bakit ngayon lang nag-iingay itong Almario? Dapat sana’y noon pa siya nagsalita laban kay Caparas. Kailangan pa bang hintayin niya ang apat na taon at ang desisyon ng Supreme Court bago siya umeksena at magpalapad ng papel sa Malacañang? Ito’y obserbasyon ng nakararami lalo na sa taga-showbiz. (Matagal nang nag-iingay at umaalma ang mga national artist na tulad ni Prof. Virgilio Almario, noon pa lang unang inanunsiyo ang pagka-national artist ng apat. Inakyat nga ang kaso sa Supreme Court. Kaya umingay ulit ngayon, kasi ngayon lang din ibinaba ng Supreme Court ang desisyon nila. – DJF)
Kahit saang anggulo tignan, karapat-dapat maging National Artist si Carlo C. Caparas dahil sa laki ng contribution nito sa larangan ng sining at pelikula. Hanggang ngayon patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang kanyang mga obra sa pelikula at telebisyon. Mga classic novel sa komiks na walang kamatayan, tumatak sa isipan ng mambabasa magpahanggang ngayon. Pagsisikap, tiyaga at talento sa sining ang naging puhunan ni Caparas para maabot ang kanyang mga pangarap.
“Maraming tagapelikula ang nagkamit ng National Artist. May naglalakad para sa kanya nu’ng time na nagde-deliberation kami. Parang binababoy nila ‘yung buong proseso,” pahayag pa ni Almario. Kung totoong binababoy ni Caparas ang kanilang process, bakit si Carlo J. ang tinanghal na National Artist? Dapat sana’y karamihan sa miyembro, hindi siya iboboto para maging National Artist. (‘Yun nga mismo ang inalmahan ng NCCA at ng maraming national artists. Wala nga sa listahan nila ang pangalan ng apat na. Iba ang mga pangalang inirekomenda nila kay GMA, ayon na rin sa kanilang criteria at selection process. Pero ang nangyari, silang apat ang idineklara ayon sa Executive Order ni GMA. – DJF.)
Ang nakapagtataka, bakit ngayon lang ito inilabas ng Supreme Court kasabay ng diumano’y issue ng tax evasion. Buong tapang na hinarap ni Direk Carlo J. ang warrant of arrest, kaugnay ng P1.8-M tax evasion case na isinampa sa kanya ng BIR.
“Alam mo, Almario, alagad ka ng sining. Porke maraming mga esdudyante nagpapapirma sa akin, nasa isang tabi ka na walang lumalapit sa ‘yo. Nakita ko na sa mukha mo ang inggit sa akin noong panahon na ‘yun. Kahit walo nga yata walang nakababasa sa ‘yo,” banat ni Direk Carlo J.
“Kung ang mga eksperto sa cultural arts ang magsasalita, mas gusto nila halimbawa, sina Mars Ravelo or Larry Alcala. Siya ang mas nasaktan, dahil siya ang naglakad, ” buwelta ni Almario.
Ayon kay Almario, puwede pa raw ma-nominate si Caparas. Wika ni Caparas, “Kung nangangarap uli akong ma-nominate na nadu’n si Almario, forget it!”
Tiniyak naman ng Malacanang na hindi nila hina-harass si Caparas dahil sa pagiging malapit diumano nito sa dating Pangulong Arroyo. Pero may bahid pulitika raw ang issue na ito tungkol sa kung sino ang dapat, totoong hiranging National Artist ng bansa? Teka, gau’n ba kadaling bawiin ng gobyerno ang kusang ipinagkaloob sa kinauukulan? Papaano kaya kung hindi gusto ng susunod na administration ang napiling National Artist ng kasalukuyang administration. Agad-agad, puwedeng bawiin ito? Ganu’n ba ‘yun? Nagtatanong lang po… (Nasagot ko na Tito Eddie, hindi naman ganu’n kadaling nabawi, kasi 4 years ang tinagal after magdesisyon ang Supreme Court sa protest case. – DJF)
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield