NOONG BAGONG upo pa lamang si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon sa kanyang puwesto, ang una niyang napag-initan ay ang mga taga-media na nagko-cover ng BoC. Ang sinabing dahilan noon ng tanggapan ni Biazon ay dahil marami raw kasing mga Hao Siao na taga-media na gumagala-gala sa BoC.
Pinutakti si Biazon ng batikos mula sa mga taga-media hanggang sa umatras siya at mula noon, lumamig na siya sa media. Tama lang naman. Kung meron mang dapat na pag-initan na Hao Siao na gumagala-gala sa loob ng BoC ay hindi ang mga taga-media kundi ang mga Hao Siao na broker.
ANG MGA Hao Siao na broker ay ang mga taong nasa likod ng mga lehitimong brokerage company. Wala kang makikitang pangalan nila sa mga papeles ng brokerage company na kanilang pinapatakbo.
Sila ay mga bastardong (ilehitimo) negosyante na gumagamit ng pangalan ng mga lisensiyadong customs broker. Dahil may mga lisensiyadong customs broker na walang pampuhunan, pumapayag silang magamit ang kanilang lisensiya at mamorsiyento na lamang sa bilang ng bawat entry na mai-process nila para sa kanilang bastardong amo.
Bagama’t ang mga lisensiyadong customs broker ang siya talagang nagpa-facilitate ng kargamento, ang kanilang mga bastardong amo ay madalas makita sa loob ng BoC na nakikipag-bonding sa mga empleyado ng bureau.
Madalas ding makita ang mga bastardong ito na pumapasok sa iba’t ibang opisina ng BoC para ma-maintain ang koneksyon ng kanilang brokerage sa mga kawani ng bureau. Sila ay malimit ding makitang nakikipag-lunch, dinner at inuman sa mga empleyado ng BoC.
ANG MGA bastardong ito ang dapat na ipagbawal ni Biazon na gumagala-gala sa loob ng bureau. Ito ang mga Hao Siao na taong dapat hindi pinapapasok sa loob ng BoC compound. Pero malabong mangyari ito sapagkat gusto rin sila na makahalubilo ng mga kawani ng bureau dahil sa bawat bisita nila, sila ay nag-aabot ng pera na pang-areglo o pampalubag-loob sa mga taga-BoC.
Ang siste pa, ang mga Hao Siao na ito ay nakapag-gala-gala na may bitbit pang mga bodyguard sakay ng mamahaling SUV. Samantalang ang kanilang lehitimong licensed broker ay ni pambili ng maayos na sasakyan ay walang kakayahan. Makikita mo ang mga licensed broker na ito kundi man naka-motor ay nagmamaneho ng kakarag-karag na sasakyan.
ANG MASAKLAP, pati ang mga asawa’t anak ng mga Hao Siao na ito ay nabibigyan ng ating gobyerno ng police protection. Wala akong nakikitang problema na bigyan ng mga police bodyguard ang isang lehitimong negosyante na may banta sa kanyang buhay o maging ang kanyang mga kapamilya na nakakatanggap din ng banta.
Pero may nakikita na akong malaking problema kapag ang isang Hao Siao con Smuggler na hindi nagbabayad ng buwis at nanloloko sa ating gobyerno ay pinapayagan ng pamahalaan na mabigyan ng police protection. Pati ang kanyang asawa’t mga anak ay kasama na rin sa binibigyan ng proteksyon. Bukod sa kanilang mga bodyguard, nakakabagabag ding isipin na nakabili sila ng baril at nabigyan pa ng permit to carry ang kanilang mga baril.
Ano na ba ang nangyari sa ating gobyerno at pati mga Hao Siao na negosyante o smuggler ay nabibigyan na rin ng mga pribilehiyong ito?
Dalawa sa mga Hao Siao na ito ay ang magbarkadang Tebes at Chua. Dapat imbestigahan ng PNP kung dapat ba talagang mabigyan ng proteksyon ang dalawang ito.
Shooting Range
Raffy Tulfo