BUKAS (MARTES) o kaya ay sa Miyerkules na malalaman kung ano ang magiging kapalaran ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona kaugnay sa Impeachment proceeding na isinagawa ng Senado laban sa kanya.
Kung makabuo ng mga YES VOTE mula sa 16 na senador ang mga naglalaway para sa conviction ni CJ Corona ay kaagad na babakantehin nito ang upuan ng Chief Justice ng Korte Suprema.
Kung ganito ang mangyayari, bagama’t masakit sa umpisa, pero para na rin sa kalusugan at katahimikan ng buhay ni Corona ay magiging masaya na rin siya bandang huli.
Katunayan, ngayon pa lang ay may kasiyahan nang idinulot sa pamilya Corona-Basa ang naganap na impeachment proceeding.
Biruin n’yo, parekoy, mahigit na 30 taon ang “family feud” na namayani sa pagitan ng magkakamag-anak na Basa at maybahay ni Corona. Katunayan, nagbatuhan pa ang mga ito ng masasakit na salita habang nililitis si Corona.
Pero bago nagtapos ang paglilitis noong Biyernes ay nagkabati-bati na sila! Oh, ‘di ba, “happy ending” para sa kanilang pamilya?
Siyempre, higit naman ang magi-ging kasiyahan ni P-Noy at ni Associate Justice Antonio Carpio, ang “tiyak” na itatalaga ni P-Noy na hahalili kay Corona bilang Punong Mahistrado.
Sandali, parekoy, sinu-sino nga kaya sa mga senador ang boboto pabor sa conviction ni CJ Corona?
Sa aking personal na pagmamatiyag sa mga kaganapan, sila ay sina senators… 1)Franklin Drilon; 2) Kiko Pangilinan; 3) Antonio Trillanes; 4) Panfilo Lacson; 5) TG Guingona; 6) Edgardo Angara; 7) Serge Osmena; at 8) Koko Pimentel.
Lubos naman tayong naniniwala, parekoy, na si CJ Corona ay magkakamit ng hatol na acquittal mula kina senators… 1) Miriam Santiago; 2) Bongbong Marcos; 3) Joker Arroyo; 4) Bong Revilla; 5) Manny Villar; at 6) Ralph Recto.
Mahirap naman basahin ang desisyon ng mga senador na sina… 1) Juan Ponce Enrile; 2) Jinggoy Estrada; 3) Greg Honasan; 4) Allan Peter Cayetano; 5) Pia Cayetano; 6) Chiz Escudero; 7) Loren Legarda; 8) Tito Sotto; at 9) Lito Lapid.
Kung iiral ang pinagsamahan noon kay GMA, sina Sens. 1) Lito Lapid; 2) Tito Sotto; at 3) Pia Cayetano ay boboto pabor kay Corona. Samantalang kung pahahalagahan rin ang pagiging magkababayan, si Sen. Loren Legarda ay boboto pabor kay Corona.
Ito pa ang isang senaryo parekoy. Ang mga kaalyado ni Vice President Jojo Binay ay nangangamba na kung mapalitan si CJ Corona ay maaring manalo bigla sa kanyang election protest si Sec. Mar Roxas at mapatalsik si Binay.
Kung magkaganu’n, mauunsiyami ang pangarap ng ilang kandidato sa pagka-senador sa linyada ng UNA, gaya nina 1) Jackie Enrile; 2) Greg Honasan; at 3) JV Ejercito.
Lilinawin ko lang, parekoy, hindi ako naniniwalang malinis si CJ Corona, dahil gaya ng karamihan sa mga opisyal ng gobyerno… walang malinis sa mga ‘yan! Ang inaakusahan at ang mga nag-aakusa!
Pero kung magiging makatotohanan lamang sa pagsilip sa maaaring kaha-hantungan nitong Impeachment, isa lang ang nakikita ko. Acquitted si Corona… at hindi lang 8 ang papabor sa kanya!!!
Anuman ang mangyari, parekoy, dapat tanggapin na ng lahat ang magiging hatol para naman makapag-move-on na ang bayan…
Kahit may mga masasaktan sa hatol, dapat ay pilitin pa rin natin, parekoy, na magkaroon ito ng “happy ending”!!!
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303