TUWING OKTUBRE 31 ay kabi-kabila ang pagdiriwang ng Halloween party, kung saan iba-ibang klaseng costume ang suot ng mga tao tulad ng manananggal, bampira, zombie, mga super hero kagaya nina Ironman, Batman, Spiderman, at iba pa. Sa Estados Unidos at Canada, ang Halloween ay ipinagdiriwang nila tuwing sasapit ang ika-31 ng Oktubre. May iba’t ibang events na ginaganap tuwing Halloween, kung saan sila ay mayroong papremyo sa may pinakamagandang costume o nakatatakot na suot, at siyempre ‘di rin mawawala ang trick or treat o pagbibigay ng iba’t ibang candy lalung-lalo na sa mga bata.
Kung ating titingnan, tuwing Halloween ay katuwaan lamang sa pagsuot ng mga nakatatakot at pagbibigay ng mga candy sa mga bata at iba pa, pero ayon sa iba, alam n’yo ba na ang Halloween ay mapanganib.
Mapanganib para sa iba ang Halloween dahil daw ang Halloween ayon sa Encyclopedia of American Folklore, ito raw ay pangunahin na may kinalaman sa posibilidad ng pakikipag-ugnayan sa mga puwersa ng espiritu at marami na rin sa iba’t ibang bansa ang nagse-celebrate din ng Halloween ngunit walang kaalam-alam ang iba sa pinagmulan ng mga simbolo, dekorasyon, at kaugalian tuwing ipinagdiriwang ang Halloween. Anu-ano nga ba ang mga simbolong ito? Ito ang mga simbolo tulad ng bampira, mangkukulam at zombie. Ito ay matagal na panahon nang iniuugnay sa mundo ng mga masasamang espiritu. Ang mga kendi, costume at kalabasa ayon sa iba ay may kahulugan din. Ang kendi raw ay pinapayapa ang mga masasamang espiritu gamit ng pagkain ng matatamis. Ang costume naman ay pagsuot ng tulad sa mga espiritu upang hindi sila galawin o gambalahin ng mga ito. Ang kalabasa naman na inuukit at nilalagyan ng kandila sa loob ay sumisimbolo o sumasagisag ng mga kaluluwang nakakulong sa purgatoryo.
Ang trick or treat o sa wikang Filipino ay “biruan o kendi” o “lokohan o kendi” ay kaugalian o pamamaraang ginagawa ng mga bata at tinatanggap ng madla tuwing gabi ng pangangaluluwa sa Estados Unidos at Canada. Ang trick or treat ay isa sa mga pangunahing tradisyon o gawi ng pagdiriwang kapag sumasapit ang bisperas ng Undas o bisperas ng Araw ng mga Patay, at naging inaasahan ng lipunan na kapag namumuhay ang isang tao sa isang pamayanang may mga bata ay dapat na bumili ang tao ng mga kendi o tsokolate bilang paghahanda sa mga mangangatok o dadalaw na mga batang manghihingi ng mga pagkaing ganito.
Sa tuwing ipinagdiriwang ang Halloween, iba’t iba ang mga costume o nakatatakot na katauhan ang ating mga nakikita. Pero ikaw ba, naniniwala ka ba sa mga multo o masamang elemento? Maaaring ang iba sa atin ay nakakita o nakaramdam na, kaya ito ay pinaniniwalaan at ang iba naman sa atin ay wala pang ganitong nakaranasan kaya para sa kanila, ito ay mga kathang-isip lamang. Iba-iba man ang pananaw ng iba sa atin sa Halloween, ang importante ay mag-enjoy na lamang tayo at kung ang iba sa atin ay selebrasyon ng kasiyahan o katuwaan lamang, at ang iba naman ay tinuturing ito na may masamang dala, mag-ingat tayo lagi at huwag kalimutang mag-dasal sa ating mahal na Panginoong Diyos.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo