Dear Atty. Acosta,
MAY UNANG ASAWA ang aking asawa. Sila ay ikinasal noong 1967 at nagkaroon ng limang anak. Nakilala ko ang a-king asawa habang kasal pa siya sa kanyang unang asawa. Hindi namin sinasadya na mahulog ang aming loob sa isa’t isa. Nagbunga ang aming pag-iibigan ng kambal na anak. Ipinanganak sila noong 1994. Noong 2006, namatay po ang unang asawa ng asawa ko. Noong 2008 ay ikinasal kami.
Idudulog ko po sana ang aking problema sa mga ari-arian ng aking asawa. Noong 1985 nagbigay ng lupa ang mga magulang ng aking asawa sa kanya. Noong 2009 lang nairehistro ng asawa ko ang lupa sa pangalan niya. Ang titulo ng lupa ay nakapangalan sa asawa ko at nakasaad doon na married siya sa akin.
Nakabili ang aking asawa ng lupa sa isang subdivision. Ipinangalan niya sa isa sa mga anak niya sa kanyang unang asawa ang titulo ng lupa. Nakapagpundar din kami ng tricycle. Paano po ang magiging hatian sa ari-arian ng aking asawa?
Meron din pong insurance ang aking asawa. Sino po ang mga beneficiaries sa insurance proceeds niya?
Mrs. Concepcion
Dear Mrs. Concepcion,
BAGO NAMIN SAGUTIN ang iyong mga katanungan ay nararapat na ipaliwanag muna namin ang estado ng mga anak ng iyong asawa. Ang limang anak ng iyong asawa sa kanyang unang kasal ay masasabing lehitimong mga anak o legitimate children. Sila ay lehitong mga anak o legitimate children ng iyong asawa dahil ang mga magulang nila ay kasal nang sila’y ipina-nganak. Samantala, ang kambal mong anak ay masasabing hindi lehitimong mga anak o illegitimate children dahil hindi pa kayo kasal ng iyong asawa nang sila’y iyong ipinanganak .
Ang ari-arian ng namatay ay mamanahin ng kanyang legal na tagapagmana. Ang mga legal na tagapagmana ng iyong asawa ay ikaw, ang kanyang limang anak sa nauna niyang asawa at ang kambal niyang anak sa iyo (Artikulo 887, New Civil Code of the Philippines).
Kapag ang namatay ay may lehitimong mga anak o legitimate children at hindi lehitimong mga anak o illegitimate children, ang hindi lehitimong anak o illegitimate children ay makatatanggap lamang ng tumbas na kalahating (1/2) bahagi sa katumbas na makukuha ng isang lehitimong anak o legitimate child. (Artikulo 895)
Samantala, ikaw bilang isang legal na asawa ay makatatanggap ng parte sa mana na katumbas ng matatanggap ng isang lehitimong anak o legitimate child. (Artikulo 996)
Sa kaso ng iyong asawa, ang lupang ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang noong 1985 ay solong pag-aari niya dahil ito ay ibinigay ng kanyang mga magulang. Ito ay paghahati-hatian ayon sa Artikulo 895 at Artikulo 996 ng New Civil Code.
Ang tricycle naman na naipundar mo at ng iyong asawa ay maituturing na pag-aari ninyong dalawa. Sa gayon, ikaw ay may karapatan sa kalahati ng tricycle na iyon. Ang kalahating pag-aari ng iyong mister ang siyang paghahati-hatian ninyo.
Samantala, tungkol naman sa lupang ibinigay ng asawa mo sa kanyang anak, ang lupang iyon ay magiging parte na ng matatanggap ng anak kapag namatay na ang asawa mo. Ito ay ibabawas na lang sa dapat na matatanggap ng anak sa kanyang mamanahin (Artikulo 909).
Sa insurance naman ng iyong asawa, hindi mo isinaad kung ang insurance na ito ay isang life insurance. Kapag ito ay life insurance, ang taong nakasaad sa Insu-rance Policy bilang beneficiary ang siyang makakakuha ng proceeds ng insurance. Kapag walang nakasaad na beneficiary sa Life Insurance ng asawa mo ay paghahati-hatian ng mga legal na tapagmana ang proceeds na matatanggap sa Insurance (Vda de Consuegra v. GSIS, 37 SCRA SCRA 315 [1971]).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta