Dear Atty. Acosta,
NAMATAY NA po ang aking ama noong February 14, 2008. Noong nakaraang taon ay namatay na rin ang tatay at nanay ng aking ama. Mayroon po ba kaming karapatan ng aking mga kapatid sa naiwan ng aming lolo at lola? Pito po ang kanilang mga anak kasama ang aming ama. Apat po sa mga kapatid ng aking ama ay mga US citizen na. Maaari pa rin ba silang magmana ng mga lupa kahit hindi na sila Pilipino? Puwede po bang paghati-hatian na lamang namin ang mga naiwan ng aming lolo at lola at hindi na dumaan sa korte? Wala pong naiwan na last will and testament ang aming lolo at lola.
Ramona
Dear Ramona,
ANG MGA ari-arian ng iyong lolo at lola ay malilipat sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng succession. Ang succession ay isang paraan ng pagmamay-ari kung saan ang lahat ng ari-arian, karapatan at obligasyon ng isang namayapa na ay malilipat sa kanyang mga tagapagmana sa pamamagitan ng kanyang huling habilin (last will and testament) o sa pamamagitan ng ating batas (Article 774, Civil Code of the Philippines). Ang mga lehitimong anak ng isang namayapa na ay isa sa itinuturing na compulsory heirs ayon sa Article 887 ng Civil Code: Art. 887. The following are compulsory heirs: (1) Legitimate children and descendants, with respect to their legitimate parents and ascendants; xxx
Ang apat na kapatid ng iyong ama na pawang US Citizens na ay maaari pa ring magmay-ari ng lupa rito sa Pilipinas sa pamamagitan ng hereditary succession (Section 7, Article XII, 1987 Constitution). Dahil dito, sila ay mayroon pa ring karapatang magmana ng ari-arian mula sa kanilang mga magulang.
Dahil naunang pumanaw ang iyong ama sa kanyang mga magulang, ang kanyang bahagi sa mga naiwang ari-arian nito ay mapupunta sa iyo at sa iyong mga kapatid sa pamamagitan ng tinatawag na right of representation. Ito ay isang karapatang ibinibigay ng ating batas kung saan ang taong kumakatawan sa isang taong namayapa na ay malalagay sa posisyon ng huli at magtatamo ng lahat ng karapatan nito nang parang siya ay nabubuhay pa (Article 970, Civil Code of the Philippines).
Samakatuwid, ang naiwang ari-arian ng inyong lolo at lola ay paghahati-hatian ng kanyang mga anak at ang bahagi ng iyong ama ay mapupunta sa iyo at sa iyong mga kapatid. Dahil walang naiwang last will and testament ang iyong lolo at lola, ang mga ari-arian na kanilang naiwan ay maaari ninyong paghati-hatian nang hindi dumadaan sa korte. Ito ay ang tinatawag na extrajudicial settlement ayon sa Section 1, Rule 74 ng Rules of Court: “Section 1. Extrajudicial settlement by agreement between heirs.– If the decedent left no will and no debts and the heirs are all of age, or the minors are represented by their judicial or legal representatives duly authorized for the purpose, the parties may, without securing letters of administration, divide the estate among themselves as they see fit by means of a public instrument filed in the office of the register of deeds, and should they disagree, they may do so in an ordinary act of partition.xxx”
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:45 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta