Hatian sa mana ng magkakapatid

Dear Atty. Acosta,

 

BAGO PO namatay ang mga biyenan ko ay sinabing sa asawa ko mapupunta ang kanilang bahay at lupa. Ito po ay alam ng kanilang iba pang mga anak. Apat po silang magkakapatid at bunso po ang aking asawa. Ngayon pong naghahatian na ang magkakapatid sa mana, ayaw nang kilalanin ng mga kapatid ng asawa ko ang bahay at lupang ipinamana sa kanya. Katuwiran kasi nila ay konti lang naman ang mamanahin nilang magkakapatid at baka mawalan pa sila kapag ibinigay ang bahay at lupa sa asawa ko. Ano po ba ang sinasabi ng batas tungkol dito?

 

Tessa

Dear Tessa,

 

SAPAGKAT HINDI mo nabanggit sa iyong liham na mayroong huling habilin o “last will and testament” ang mga biyenan mo, ipapalagay nating wala ngang ganitong dokumento silang naiwan o isinagawa. Kung magkaganun, ang pagtitiyak ng iyong mga biyenan na mapupunta sa iyong asawa ang kanilang bahay at lupa sa sandaling sila ay pumanaw na ay walang-bisa. Ito ay sapagkat ayon sa batas, ang mga kahalintulad na pamamahagi ng ari-arian ay dapat nakapaloob sa isang mabisa at balidong “last will and testament” o ang tinatawag na huling habilin. Sa pamamagitan nito, ang hatian o ang pamamahagi sa mga ari-arian ng isang taong pumanaw na ay maisasakatuparan sang-ayon sa kanyang kagustuhan na naaayon sa batas. (Article 783, New Civil Code of the Philippines)

Gayun din, kung ang naturang ari-arian ng iyong mga biyenan ay hindi naman ipinagkaloob sa iyong asawa sa pamamagitan ng isang balidong donasyon na magkakabisa sa oras na sila ay pumanaw na, talagang walang bisa ang nasabing pagkakaloob sa iyong asawa ng bahay at lupa ng iyong mga biyenan.

Kung magkaganun, walang-bisa ang paraan ng pamimigay ng iyong mga biyenan ng kanilang bahay at lupa sa iyong asawa. Dahil dito, ang naturang ari-arian ay isasama sa lahat ng mga ari-arian ng iyong mga biyenan upang ito ay hatiin at ibahagi sa lahat ng tagapagmana nila. Dahil apat ang kanilang mga anak, hahatiin sa apat ang nasabing mga ari-arian nang pantay-pantay. Ang pamamaraang ito ay sang-ayon sa New Civil Code of the Philippines, partikular na ang Artikulo 980 nito.

Kung talagang interesado kayo sa nasabing bahay at lupa, maaari ninyong hilingin sa mga kapatid ng iyong asawa na ibigay lamang sa inyo ito kapalit ng halaga ng salapi na kapantay ng kaparte o mana nila. Kung sakaling sila ay pumayag, ito ay kailangan ilagay sa isang notaryadong dokumento na nagbabahagi ng mana at naglilipat ng karapatan sa minanang mga ari-arian ng kapatid ng iyong asawa papunta sa kanya. Ang dokumentong ito ay tinatawag na “Extrajudicial Settlement of Estate with Absolute Sale”.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleEcho vs Andi Tapatan sa tandem
Next articleAng mahiwagang plate number

No posts to display