MARAMING NAGULAT AT nagtaas ng kilay sa paglutang ni Dr. Hayden Kho sa paglulunsad ng United Nations Fund For Women na proyekto ng grupong nagsusulong ng anti-violence against women dito sa ating bansa.
Ang nag-iisang tanong ng mga kababayan nating nasa 13th floor ang pagkakataas ng kilay, ano ang ginagawa du’n ni Dr. Hayden, samantalang sariwa pa sa utak ng sambayanan ang kinapapalooban niyang sex video na isang malinaw na halimbawa ng pagtampalasan sa kapurihan ng mga kababaihan?
“Anong drama ito? Anong pagpapakitang-tao ito? Ano ang ginagawa niya sa isang kampanya tungkol sa pagdedepensa ng puri ng mga kababaihan?” tanong ng marami.
Ganu’n naman yata talaga. Kapag ihinaharap na ang mga pinagbibintangan sa krimen ay wala kang makikitang suspek na nakasuot ng ibang kulay, palagi silang nakasuot ng puti, tanda ng paghuhugas-kamay.
Hindi matanggap ng ating mga kababayan ang bagong drama ni Dr. Hayden Kho, kung sana’y walang bibig ng isang Katrina Halili na nag-akusa sa kanya ng pagsasamantala, kung sana’y hindi pinagpistahan na parang hot pandesal sa merkado ang kanyang mga sex videos.
Si Dr. Hayden Kho ang pinakahuling personalidad na inaasahan ng marami na dumalo, hindi siya, dahil hanggang ngayo’y paborito pa ring pag-usapan ang mahahalay niyang sex videos na nagtampok sa ilang personalidad na mas pinili na lang na manahimik para huwag makaladkad ang kanilang mga pangalan sa kahihiyan.
NAGLABAS NA NG desisyon ang Philippine Medical Association sa ihinaing reklamo ni Katrina Halili, isang taong suspensiyon lang ang ipinataw sa kontrobersiyal na doktor, hindi ikinasaya ni Senador Bong Revilla ang parusang ibinigay ng PMA kay Dr. Hayden.
Katwiran ng mambabatas ay napakataas ng respetong ibinibigay natin sa mga doktor, salita lang nila ay parang batas na para sa atin, pero meron palang doktor na gumagawa ng kahalayan.
Sa ganu’n kababaw na parusa, ayon kay Senador Bong ay parang ayos lang pala na mambastos ng kanyang kapwa ang mga doktor, kaya ang inaabangang lumabas ng marami ngayon ay ang aksiyon na ipapataw ng Professional Regulation Commission kay Dr. Hayden Kho.
Ayon kay Senador Bong, “Nakalulungkot kung hindi kakanselahin ng PRC ang lisensiya ni Dr. Hayden. Kapag hindi ganu’n ang nangyari, parang lumalabas na karaniwan na lang pala ang pambabastos ng doktor sa kanyang pasyente,” madiing pahayag ni Senador Bong Revilla.
Kung ang akala ni Dr. Hayden ay nagbago na ang ihip ng hangin nang suspensiyon lang ang ipataw sa kanya ng PMA at nang ibasura ng piskalya ang asuntong isinampa ni Katrina Halili laban sa kanyang ina ay nagkamali siya.
Sa mga kolehiyo ay para pa ring nakakakita ng multo ang mga kababaihan kapag nakikita ang kanyang larawan sa mga pahayagan, usong-uso sa mga kolehiyala ang salitang “Eeeewwww!!!” at ganu’n ang reaksiyong maririnig kapag si Dr. Hayden na ang paksa ng kuwentuhan.
Mas maganda siguro kung mananahimik na lang muna ang doktor, huwag muna siyang nagpapakaray sa mga taong ang intensiyon ay ang linisin ang kanyang imahe nang mabilisan, kaya dinadala siya sa mga okasyong hindi siya dapat makita.
Mas makikita ang sinseridad sa pananahimik lang, dahil maganda man ang kanyang intensiyon ay hindi ‘yun ang mababasa ng publiko sa kanyang ginagawa, kundi isang malinaw na paghuhugas-kamay lang.
Meron ngang umiikot na text message ngayon na ganito ang nilalaman, “Ano ang paboritong kanta ni Dr. Hayden Kho?” Sagot, “Hugas-Kamay ni Yeng Constantino. Hugas-kamay, di kita iiwan….”
Ganu’n kabilis makaisip ng kalokohan ang iba nating mga kababayan. Biro lang, pero totoo.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin