IBANG KLASE RIN naman talaga ang kapal ng mukha nitong si Hayden Kho. Para lang maipagtanggol ang sarili ay gagawa at gagawa ng kakaibang kuwento. Although expected na naming sa depensa niya ay kailangang makapagprisinta ng kuwento niya si Hayden, pero ang ibato kay Katrina na nagdo-droga ito at may alam sa sex video nila, masasabi naming very outrageous at talaga namang “the height” na ng kalokohan.
At iyan ay matapos niyang humigi ng paumanhin at umamin sa kanyang naging pagkakasala, huh!
At dahil inamin na rin ni Dra. Belo (thru her legal counsel) na mayroon silang sex video, sasabihin din kaya ni Hayden na naka-droga sila nito at ito rin ang nag-udyok sa kanya kapag nagkaipitan na?
Nakakaloka, hindi naman sila mga artista pero sa laki ng publisidad na nakukuha nila dahil sa malaswang isyu na ito, talo pa nila ang mga tatakbo sa eleksiyon.
HINDI NAMAN KAMI tatakbo sa eleksiyon para mangampanyang hindi namin talaga nagustuhan ang ginawang pagtrato ni Willie Revillame sa akin in particular last Saturday sa Wowowee.
Sa mga nakapanood ng portion na Willie of Fortune at kilala ako, nagpapasalamat ako sa inyong mga respeto at tiwala. Pero sa mga hindi, wala po akong magagawa kung iisipin man ninyong nagmukha akong katawa-tawa dahil hanay at grupo pala ng mga stand-up comedians ang nasalihan namin ng DZMM radio tandem kong si Ahwel Paz.
Mataas ang paggalang ko at never kong minaliit ang mga stand-up performers natin. Mahal ko ang karamihan sa kanila lalo na ang mga madalas kong makatrabaho. Hindi para sa kanila ang litanyang ito dahil as I have said, ang host ng Wowowee at marahil ang mga nag-imbita sa amin ang dapat naming pagbuhusan ng sama ng loob.
Si Ahwel po at ako ay mga radio commentators at anchors po, at hindi mga gay impersonators o ‘yung mga nagdadamit at may mga kolorete sa mukha at mga flashy dresses just to get attention and elicit fun. “Satire” man ang tema ng teleradyo program namin, we still adhere to the highest level of diplomacy and the rule of journalism.
Naimbitahang bisita sa programa ang inyong lingkod pero para akong pinatuloy sa isang bahay at lumabas ditong ‘isang anino,’ walang pagkatao at ginawang ‘dekorasyon’ sa programa para laitin at gawing ‘subject’ ng katatawanan. Ang hindi man lang ako aluking magsalita o magpakilala ay matatawag kong kabastusan lalo pa’t ipinagkakapuri niyang magaling siyang host at naghahangad na kilalanin ang bawat taong napapadaan sa sinasabi niyang tahanan. Ni hindi man lang niya binigyan ng kredito ang pagiging isang manunulat ko, radio host o kung ano mang pagkakakilala niya sa akin, bago man lang sana siya nanlait. Totally siyang nandedma at nagparamdam ng disgusto sa dahilang hindi ko maintindihan. Nagmukha nga akong tanga at gago at hinayaan ko ‘yun. Isang malaking pagkakamali sa panig ko at inihihingi ko po ‘yun ng pang-unawa sa mga nagmamahal, naniniwala at nakakakilala sa akin. Isinusulat ko nga po ito para sa inyo.
Wala akong natatandaang atraso na ginawa sa host ng programa. Kahit i-rebyu niya ang mga panulat ko at mga programa sa radyo, kadalasan mga papuri ang ibinibigay ko.
Itinuring kong kaibigan si Willie since ipakilala siya sa akin ni ‘Nay Cristy Fermin, long before his Wowowee years. Marami na rin akong narinig at nakita, nasaksihan at naranasang mga kakaiba, pero isa na marahil sa pinaka-nakakainsulto ang ginawa niyang pagtrato sa akin du’n sa mismong programa niya last Saturday.
Nag-iiba nga marahil ang epekto ng yaman at kasikatan sa buhay at paniniwala ng isang tao, at masasabi kong personal na naranasan ko ang negatibo nitong epekto kay Willie Revillame noong nakaraang Sabado.
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus