TILA ISANG bangungot ang kinahinatnan ng tatlong mag-aaral ng College of Saint Benilde sa sinapit nilang kalupitan sa kamay mismo ng tinatawag nilang “tol”, “utol”, “brad”, at “bro”. Bugbog sarado ang tatlong estudyante at puno ng pasa ang halos lahat ng bahagi ng buong hita, braso at katawan, sapat para ikamatay ng isa sa tatlo.
Matagal nang may batas na “anti-hazing law” ngunit sa kabila nito ay patuloy parin ang mga nabibiktima ng hazing na kadalasang nauuwi sa kamatayan. Hindi lang nagaganap ang hazing sa mga unibersidad, kolehiyo at pati sa mga sekondaryang paaralan, kundi pati sa mga military at police academy ay may hazing din.
Kailan ba matatapos ang walang saysay na pagkamatay ng mga biktima ng hazing? Paano ba ito pipigilan? Nagkukulang ba ang pamahalaan sa pagresolba ng mga kasong may kinalaman sa hazing? Sapat na ba ang batas ukol sa hazing o kailangan pang gumawa ng mga bagong batas para tuluyan nang wakasan ang krimen sanhi ng hazing?
Ang mga katanungang binanggit ko ang aking pupuntuhan sa artikulong ito. Sa huli ay susubukan nating bumuo ng isang framework o magbalangkas kung paano mas epektibong maipatutupad ang batas sa hazing at mabigyang-solusyon ang problemang ito.
NAKALULUNGKOT AT napakahirap tanggapin para sa isang magulang ang kamatayan ng isang anak na pinakaingat-ingatan at ang tanging pinangarap ay mabigyan ng mabuting buhay. Ang pinakamasakit sa lahat ay namatay ang isang anak dahil lamang sa isang “brotherhood” na wala naman talagang naitutulong at bagkus ay naglalapit pa sa mga masamang bisyo gaya ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo at pagdo-droga.
Ang isyu ng hazing at fraternity sa mga paaralan sa kolehiyo at unibersidad ay hindi na bago. Ilang mga mag-aaral na rin ang namatay dahil sa hazing. Minsan ay ikinamamatay rin ng mga miyembro ng isang fraternity ang isang madugong “frat-war” na kadalasang nagaganap kada-taon ng academic calendar.
Ang hindi ko lubos maisip ay bakit nagpapatuloy pa rin ang mga organisasyong may ganitong bayolenteng gawi at karakter sa loob ng mga paaralan. Bakit may mga mag-aaral pa ring nagpupursige sa pagsali? Bakit nananatili ang aktibidades ng mga fraternity na nasangkot sa krimen ng pagpatay dulot ng hazing?
HINDI NGA ba maipatupad ang anti-hazing law kaya’t halos taun-taon ay may namamatay rito? Simpleng lohiko lang naman ang pinagmumulan ng problema rito. Hindi ipinatutupad ang batas kaya may mga biktima pa rin ng hazing.
Kung tutuusin ay maganda at malakas ang batas laban sa hazing. Hindi na kailangan pa ng bagong batas. Ang problema ay kung hindi epektibong ipinapatupad ang batas ay mananatili lang itong mga imprenta sa papel na puwedeng ipunas sa tumbong ng mga opisyales nating dapat nagpapatupad ng batas na ito.
Papaano ba dapat ipatupad ito? Kung makikita ng lipunan na pinarusahan at nakulong ang mga gumawa ng hazing ay magiging banta sana ito o “deterrent” sa mga taong nagbabalak pang magsagawa nito. Ang tanong ngayon ay nakulong ba lahat ng mga naakusahan at may kinalaman sa hazing? Sa haba ng listahan ng mga namatay sa hazing ay tila iilan lang ang naipakulong.
Wala ring mga kongkretong hakbang na ginagawa ang pamahalaan para resolbahin ang problema sa hazing. Hindi rin nga kayang patigilin ng pamahalaan ang hazing sa loob mismo ng mga military at police academy na pinatatakbo nito. Paanong ipagbabawal at huhulihin ng mga militar at pulis ang mga taong nagsasagawa ng hazing kung sila mismo ay produkto nito?
Hindi maitatanggi ng Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA) na may hazing na nagaganap sa loob ng kanilang mga paaralan. Taun-taon ay may mga report ng hazing at madalas ay may namamatay sa PMA at PNPA. Sukdulan na ba ang problemang ito at tila wala nang kalutasan?
MAIPAKULONG MAN ang mga may sala sa nagsagawa ng hazing ay hindi nangangahulugang wala na muling magsasagawa ng hazing. Sinasabi lang ng mga university fraternities at military fraternities na wala nang hazing sa kanilang organisasyon ngunit patuloy nila itong ipinatutupad.
Kung bakit malakas ang loob ng mga fraternities na magbulag-bulagan sa karahasang ito at magmatigas sa batas ay dahil sa hindi naman ang buong organisasyon ang hinahabol ng batas. Dapat ang habulin ng batas ay ang buong samahan sapagkat sa pananatili nila bilangmiyembro ng samahan ay sumasang-ayon sila sa karahasan ng hazing.
Dapat ay habulin ng batas ang isang fraternity na nasangkot sa krimen ng hazing at hindi lang ang mga mismong nasangkot sa hazing. Kung walang fraternity na nagpapatupad ng hazing ay walang magsasagawa ng hazing.
Ang mga organisasyon na nasangkot sa hazing ay hindi na dapat hinahayaan ng pamahalaan na magpatuloy. Makulong man ang mga miyembro nila na sangkot sa hazing ay gagawin at gagawin pa rin ng mga bagong miyembro ng organisasyon o fraternity na ito ang tradisyon nilang hazing.
Dapat ay ituring silang “outlaws” gaya ng mga rebelde at patuloy na tugisin ng pamahalaan hanggang mawasak ang organisasyong ito. Sa ganitong paraan lamang matatapos ang problema sa karahasan ng hazing. Kung walang fraternity o organisasyong magpapatupad ng ganitong tradisyon ay walang magsasagawa ng hazing.
ANG KAMATAYAN ng bagong biktima ng hazing ay dadagdag lamang sa listahan ng mga namatay sa ganitong kawalang respeto sa kapwa at buhay. Kailan man ang pagiging marahas ay hindi maituturing na gawain ng tao at lalong hinding-hindi dapat ituring na gawain ng isang “kapatid”, “brod”, “bro”, “tol”, at “utol”.
Masahol pa sa hayop ang mga taong tumatawag sa iyo ng kapatid ngunit itutulak ka sa kamatayan.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo