KUNG NAPANOOD n’yo ang Startalk nu’ng nakaraang Sabado, isa sa inihabol naming istorya ay ang break-up nina Heart Evangelista at Daniel Matsunaga.
Nu’ng umalis si Daniel pa-Brazil, naging isyu na ‘yang break-up nila pero itinanggi ito ni Heart. Sabi naman niya, kung talagang break na raw sila hindi naman daw niya ‘yun itatago.
Lumabas na nga sa Twitter account ni Heart na nagmi-mention na ito tungkol sa break-up.
Ilan sa mga tweets niya, “Being single si embracing growth.”
Meron pa siyang tini-tweet na, “One was bad or we didn’t love each other. It could just be… we were too different.”
Nasa Brazil pa si Daniel, pero meron din siyang tweet na, “Lost 4 kilos this days… Feel like shit… I need my family, I think… I am going to be away of the internet for a few days. Sorry for that… hope you guys understand… God bless us all.”
Siyempre, kinopya ko lang ‘yan sa mga bakla, dahil hindi naman ako marunong sa mga Twitter na ‘yan, ha?!
Pero base sa mga tweet na ‘yan, talagang break na nga sila. Hindi lang natin alam kung kailan at kung bakit uma-bot ito sa break-up.
Nakausap ng Startalk staff namin ang Mommy ni Heart, sinabi nitong hindi pa siya handang magsalita.
Sabi naman ng ma-nager ni Daniel na si Jonas Gaffud, ayaw pa rin daw magsalita ng alaga niya dahil malungkot pa raw ito. Kaya nga siguro nagtagal muna siya du’n sa Brazil.
Marami ang nanghinayang dahil bagay pa naman sila at nakikita namang masaya silang dalawa.
MASAYA NAMAN sina Katrina Halili at Kris Lawrence dahil nalaman na nilang girl ang magiging baby nila.
Kaagad na itinuwit ni Kris, at nakausap din namin siya sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado, at masaya raw si Katrina dahil girl talaga ang gusto niya.
Si Kris, gusto sana niya boy para may kalaro raw siya sa basketball, pero masaya na rin daw siya at naging girl ito dahil ito naman talaga ang gusto ni Katrina. Napagkasunduan na raw nilang Kristina ang ipapa-ngalan, bilang kumbinasyon ng pangalan nilang dalawa.
Maayos naman daw ang kalagayan ngayon ni Katrina, kahit minsan ay nagrereklamo itong parang ang taba na niya at ang pangit na raw niya.
Pero siyempre maganda ang tingin ni Kris, kaya nga raw feeling niya baby girl ang ipinagbubuntis nito. Lalong gumaganda raw kasi si Katrina.
Tuloy pa rin ang taping ni Katrina sa My Beloved pero siguro malapit na rin siyang magpahinga.
Saka may nagkuwento pa sa akin na parang nag-i-emote na naman daw ito sa Twitter niya dahil parang may nakakaaway ito sa ta-ping.
Ayoko na ngang pag-usapan ‘yan at baka lumaki pa. Basta tingnan ‘nyo na lang ang mga tinu-tweet ni Katrina.
Hindi naman siguro papatulan ng nakakalaban niya sa taping. Alam n’yo na siguro kung sino ang tinutukoy ko, ‘day!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis