PINASYALAN NAMIN SI Aiko Melendez sa kanyang house sa may Commonwealth nu’ng isang gabi.
Nadatnan namin si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses doon. At ang gandang pagmasdan na close na close si Pat sa mga anak ni Aiko.
Masuwerte sina Andrei at Marthena na kahit hindi nila madalas makita ang repective dads nila ay tumatayong ama na nila si Patrick.
Mas madalas makita ni Marthena ang amang si Martin Jickain kesa makita ni Andrei ang amang si Jomari Yllana.
Hanggang du’n na lang muna ang kuwento namin at gusto pa rin naming isiping busy lang si Jom kaya hindi kinikitang madalas ang anak niya.
KAHIT ANONG PIGA namin sa aming co-host na si Cesca Litton ay talagang hindi namin siya mapagsalita kung ano ba ang real score sa kanila ni Jericho Rosales. Kung sila pa ba or what.
Tulad nu’ng Wednesday, nasa timeline namin sila pareho sa Twitter. Parang halos sabay sila kung mag-tweet.
At noon din, sa katu-tweet nila, nalaman namin na isa lang pala ang lugar na pinanggalingan nila – sa birthday ni Paolo Valenciano.
Hindi rin namin maisulat ngayon dito kung ano ‘yung tsika tungkol du’n ni Cesca sa E Live nu’ng Sabado, dahil ang gulo ring magkuwento ng hitad.
Hahaha! Anyway, kung anuman ang score sa pagitan nila, eh, kahit naman malaman natin, hindi naman makatutulong ‘yon sa pagbaba ng presyo ng gasolina.
NAG-UMPISA SA BLIND item at ngayon ay papangalanan na namin ang isang young actress na muntik nang maging cause of delay ng isang pelikulang ginawang series.
Ang tinutukoy namin ay si Heart Evangelista, na kasama sa Tanging Ina 3: Last Na ‘To! bilang anak ni Ai-Ai de las Alas.
Ayon sa aming source, bago tanggapin ang 2 to 3 shooting days ay ang dami raw demands ng madir ni Heart.
Pati ‘yung talent fee nga, nilakihan na para lang matuloy. Nu’ng tinanong ‘yung sked, ibinigay naman ng madir.
So sa sked na ibinigay, du’n na lang nag-base ang production. Isa du’n ang Oct.16, kaya ‘yun ang petsang kinarir ng production para mapagsama-sama ang mga artista. Ibig sabihin, lahat ay nag-adjust kay Heart.
Ang nakakalokah, Oct. 15, tumawag daw ang madir para sabihing hindi puwede ang anak niya kasabay ng pagsasabi ng date na puwedeng mag-shoot ang anak niya na hanggang 9 p.m. ang cut-off time.
Nalokah si Direk Wenn Deramas, kaya dumayalog ito sa set ng, “Tanggalin ‘yan sa pelikula kung mahirap kausap!”
So tanggal na si Heart, pero hindi namin tatanggalan ng pagkakataon ang kampo ni Heart na maipaliwanag kung ano naman ang kanilang version.
Basta ang bottomline: Si Heart daw, napaka-unprofessional.
True ba, Tita Annabelle Rama?
Oh My G!
by Ogie Diaz