ISANG EUROPEAN heavy equipment manufacturer na nakabase rito sa Pilipinas ang nasasangkot ngayon sa talamak na smuggling ng kanilang mga bulldozer, excavator, grader, wheel loader atbp., ayon sa isang mapagkakatiwalaang source sa Department of Finance.
Ang mga nasabing heavy equipment na kanilang mini-misdeclare ay pumapasok ng bansa sa pamamagitan ng Subic Freeport at Manila International Container Port.
Para makasiguro na makalulusot ang kanilang mga kargamento, tatlong sikat na beteranong broker – a.k.a. smuggler – ang ginagamit ng nasabing European heavy equipment manufacturer para makisalamuha at makipag-aregluhan sa mga taga-Bureau of Customs.
Ang dalawa sa mga broker na ito ay nabibilang sa topnotch players ngayon sa mga pier ng BoC sa Maynila – sina Tan at Santos. Samantalang ang isa naman ay dating bigtime player sa Subic na sinusubukang muling makabangon.
Pagkatapos mailabas sa customs ang kanilang mga kargamento, ipinalilitaw ng nabanggit na European heavy equipment manufacturer – sa pamamagitan ng mga pinekeng resibo, na locally-purchased ang kanilang mga ibinebentang produkto.
Ang mga pekeng resibong ito ay ipinakikita sa mga sakaling maninitang kawani ng mga ahensiya ng gobyerno tulad ng DTI, BIR, at BoC – na hindi pa “nakapatong”.
Kamakailan, natumbok ng isang opisyal ng BIR ang anomalyang ito. Pero agad naman daw inareglo ang nasabing opisyal.
Ayon pa sa source, kapag ni-raid daw ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Danny Lim ng BoC ang mga showroom at yarda nito, tiyak na mahahakot ang lahat ng makikitang heavy equipment doon.
Siyempre hindi uubra kay Lim ang mga pinekeng resibong pinalilitaw na binili – ng nasabing European heavy equipment manufacturer na nakabase rito sa Pilipinas – ang kanilang mga imported na heavy equipment dito lang sa bansa.
ITONG ISA pang anomalya ay maituturing na heavy weight. Ito ay patungkol sa billion peso legalized gambling industry sa bansa na pinangangasiwaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa susunod na buwan kakanselahin na ng PCSO ang lahat ng kontrata para sa mga small town lottery (STL) upang bigyang daan ang papalit dito – ang Bingo Milyonaryo.
‘Di tulad ng STL na ang mga kabo o kolektor ay tumatanggap ng taya ng mano-mano, sa Bingo Milyonaryo, ang mga taong ito ay tatanggap ng taya sa pamamagitan ng isang handheld electronic betting device, ayon pa sa isang PCSO source.
Sa gadget na ito ire-register ang lahat ng nakokolektang taya. Sa pamamagitan nito, malalaman ng Bingo Milyonaryo franchisee ang mga numerong may malalaking taya na puwede umanong iwasang palabasin sa pagbola.
Sa larong ito pasok ang two-digits, suwertres at four-digits games ng PCSO. Ang unang dalawang numero na lalabas sa bola ay puwedeng tayaan. Ganoon din ang pangatlo at pang-apat. At ang makabubuo ng lahat ng mga numero na lalabas ay mananalo ng milyon.
Ang nakakuha ng kontrata para sa pagprovide ng lahat ng handheld electronic betting device ay asawa umano ng isang “KAMAG-ANAK”. Ang taong ito ay nakapangasawa ng isa sa mga kapatid na babae ng isang mataas na opisyal sa pamahalaan.
Ang taong ito rin ang siyang magbibigay umano ng basbas sa lahat ng mga magiging franchisee ng nasabing laro. At siyempre dahil siya ang tumatayong padrino ng mga franchisee, lahat sila ay kailangang magbigay umano ng porsiyento sa kanya sa kanilang weekly revenue, dagdag pa ng source.
Ang inyong lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo